SUBSIDIYA SA GOCCs TUMAAS (P8.9-B noong Abril)

btr

TUMAAS ng 74 percent ang subsidiya ng national government sa government-owned and controlled corporations (GOCCs) noong Abril.

Sa datos ng Bureau of the Treasury (BTr), ang budgetary support sa GOCC ay lumago sa P8.9 billion noong Abril mula P5.1 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon. Umabot ito sa P10.79 billion noong Marso.

Sa kabuuang halaga, ang National Irrigation Administration (NIA) ang tumanggap ng pinakamalaking subsidiya sa P3.8 billion.

Ang NIA ang pangunahing responsable sa irrigation development and management.

Pumangalawa sa listahan ng pinakamalaking recipients ang National Food Authority (NFA) na may P2 billion.

Sumunod ang National Housing Authority (NHA) na may subsidiya na P836 million.

Sa record ng BTr, ang GOCCs na tumanggap ng mahigit sa P100 million na subsidiya ay kinabibilangan ng Philippine Rice Research Institute (P429 million), Philippine Children’s Medical Center (P266 million), Philippine Heart Center (P178 million), Philippine National Railways (P132 million), Philippine Crop Insurance Corporation (P134 million), National Kidney and Transplant Institute (P125 million), at Lung Center of the Philippines (P121 million).

Sa unang apat na buwan ng taon, ang subsidiya ng national government sa GOCCs ay pumalo sa P30.2 billion.

Ang NIA ang tumanggap ng pinakamalaking subsidiya na nagkakahalaga ng P14.06 billion, kasunod ang NFA na may P3.2 billion.

-PNA