HINIKAYAT kahapon ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag balewalain ang anumang sugat na makukuha nila dahil sa paputok, kasunod ng nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon.
Babala ni Health Undersecretary at spokesperson Eric Domingo, prone sa tetano o tetanus ang sugat na likha ng paputok at maaari itong magdulot ng kamatayan.
Ayon kay Domingo, malaki man o maliit ang sugat ay dapat na kaagad na ipa-doktor upang mabigyan ng karampatang lunas.
Aniya pa, halos walang nakaliligtas sa tetano, kaya’t hindi ito dapat na ipagwalambahala na lamang.
Ang mga biktima ng tetano ay naninigas at kinukumbulsiyon hanggang sa tuluyan nang bawian ng buhay.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Domingo na lahat ng mga naitatala nilang biktima ng paputok sa may 60 sentinel hospitals na kanilang mino-monitor ay binibigyan nila ng anti-tetanus.
Sa kasalukuyan ay nasa 46 na ang kabuuang bilang ng Fireworks-Related Injuries (FWRI) na naitala nila mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 30.
Gayunman, mas mababa pa rin ito ng 49% kumpara sa naitala nilang FWRI cases sa kahalintulad na reporting period noong nakaraang taon.
Ang mga biktima ay nagkaka-edad ng mula dalawa hanggang 69-taong gulang ngunit pinakamaraming nabiktima sa 10-14 age group.
Lima na sa mga ito ang kinailangang putulan ng mga daliri dahil sa pagpapaputok, 26 ang nagtamo ng sugat o lapnos, 15 naman ang nagtamo rin ng pinsala sa mata at dalawa ang nakalunok ng paputok.
Ang boga ang nakapagtala ng pinakamaraming biktima ngayong taon, na umabot sa 13 kaso, sumunod ang kwitis (5), triangle (3), piccolo (3), at tig-dalawa ang naman ang 5-star, baby rocket, bawang, camara, at luces.
Nakalunok naman ng pili cracker ang isang 6-taong gulang na batang lalaki at pulbura naman ng flash bomb ang nalunok ng isang tatlong taong gulang na batang babae. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.