PUMALO na sa 340 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok sa pagsalubong sa Taong 2020, batay sa Fireworks-Related Injuries (FWRI) report na inilabas ng Department of Health (DOH).
Sa datos, nakapagtala pa ang DOH ng 52 bagong biktima ng paputok mula 6:00 ng umaga ng Enero 2 hanggang 5:59 ng umaga ng Enero 3.
Sanhi ito upang umabot na sa 340 ang nabiktima ng paputok mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21.
Nilinaw naman ng DOH na mas mababa pa rin ito ng 5% kumpara sa naitalang kaso sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Sa nasabing bilang, 339 ang nasugatan sa paputok, habang isa naman ang nakalunok ng paputok.
Wala namang naiulat na tinamaan ng ligaw na bala, at wala ring naiulat na nasawi dahil sa pagpapaputok.
Pinakamarami pa ring nabiktima ng paputok sa National Capital Region (168 kaso), Region 6 (36 kaso); Region 1 (29) at Calabarzon (24 kaso).
Sa NCR naman, karamihan sa mga kaso ay naitala sa Maynila, Quezon City, Caloocan, Las Piñas at Mandaluyong.
Sa mga nasugatan, 245 ang nagtamo ng blast/burn injuries without amputation, 82 ang dumanas ng eye injuries at 15 naman ang nagtamo ng blast/burn injuries with amputation o kinailangang putulan ng bahagi ng katawan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.