SUKATAN NG LAKAS: KINGS, FUEL MASTERS MAGTUTUOS

PHOENIX-GINEBRA

Laro bukas:

(Cagayan de Oro City)

5 p.m.- Phoenix vs Ginebra

PATATATAGIN ng Phoenix Petroleum, sa pinakamatikas na simula nito sa isang conference, ang kapit sa liderato sa pagsagupa sa titleholder Barangay Ginebra sa Petron Blaze Saturday Special sa PBA Governors’ Cup bukas sa Xavier University Gym sa Caga­yan de Oro City.

Magbabakbakan ang Fuel Masters at Kings para sa pole position sa alas-5 ng hapon.

Nakahakbang na ang isang paa ng Phoenix sa  playoff round na may 5-1 kartada, habang ang Ginebra ay nasa likod ng Fuel Masters sa 4-1.

Batay sa record, ang limang panalo ay sapat na para umabante sa post-elims play sa tatlo sa huling apat na Governors’ Cup.

Subalit walang balak ang Fuel Masters na magkumpiyansa.

“Teams need to win as much as they can in this tournament because you want to be in the Top Four for the twice-to-beat advantage,” wika ni Phoenix coach Louie Alas.

Ang Phoenix ay galing sa tatlong sunod na panalo laban sa mabibigat na koponan- TNT KaTropa (112-82), Meralco (96-86) at Magnolia (95-82) – bago ang kanilang pinaka­aabangang laro kontra Ginebra.

“Malaking bagay sa amin ‘yun, we have a momentum to ride on as we play Ginebra,” ani Alas.

“They are shorthanded but ­Gi­nebra is Ginebra. They’re a next man up team. Kapag merong player na wala sa kanila, the next man steps up. Kahit lima lang natitira sa lineup nyan, they would come out and compete,” dagdag pa niya.

Ang katatagan ng Ginebra ay muling namalas sa torneong ito, kung saan nalusutan nito ang injuries ng ilang key players, kabilang sina  Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Sol Mercado at Jervy Cruz.

Ang pinakahuling biktima ng Kings ay ang San Miguel Beer, 110-102, noong Linggo sa Araneta Coliseum  kung saan kabilang sina Justin Brownlee, Aljon Mariano at Joe Devance sa mga pumutok para sa Ginebra.

“We’re fortunate that June Mar (Fajardo) and Marcio (Lassiter) didn’t play for them. On the other hand, we also had guys not playing as well. It’s a key game for both, and we’re happy to pull this one,” pahayag ni Ginebra coach Tim Cone then.

Nauna nang tinalo ng Kings ang  Columbian Dyip (96-84), Alaska Milk (109-101) at NorthPort (104-98).

Comments are closed.