ISA sa mga senyales ng unti-unting pagbabalik sa normal na takbo ng ating buhay ay ang panunumbalik ng mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Noong kasagsagan ng pandemya, iilan lang ang mga sasakyang bumabaybay sa EDSA, sa mga expressway, at iba pang mga pangunahing daan. Ngayong naging mas maluwag na ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga protokol kaugnay ng pandemya, muling sumikip ang mga daanan dahil sa dami ng mga sasakyan.
Isa sa mga natukoy na pangunahing dahilan ng muling pagbigat ng daloy ng trapiko ay ang muling pagbabalik sa face-to-face na interaksyon ng mga mag-aaral sa mga paaralan at pati na rin ng mga kompanyang dati’y nagpatupad ng work from home setup.
Batay sa resulta ng isang bagong pag-aaral na ginawa ng GoShorty, isang insurance technology site, ika-walo ang Metro Manila sa buong mundo kung ang pag-uusapan ay ang bilang ng oras na ginugugol ng mga tao habang nasa trapiko. Nasa 43% ang congestion level ng Metro Manila at nasa humigit kumulang 98 oras o apat na araw ang katumbas ng oras na nasasayang ng mga tao sa trapiko kada taon.
Noon namang 2018, batay sa isang pag-aaral na ginawa ng Japan International Cooperation Agency, nasa P3.5 bilyon ang halaga ng tinatawag nitong “lost opportunities” kada araw dahil sa mga oras ng tao na nasayang sa pagkaipit sa mabigat na daloy ng trapiko. Ayon sa pagtataya ng ahensiya, aabot pa ito sa halagang P5.4 bilyon kada araw sa 2035 kung hindi masosolusyonan ang isyung ito.
Isang pag-aaral naman noong 2017 ang nagsabing ikatlo ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalalang daloy ng trapiko sa buong Timog Silangang Asya. Ayon sa Boston Consulting Group, mahigit isang oras ang nawawala sa mga mananakay kada araw dahil sa matinding suliranin ng bansa sa trapiko.
Sa mga ganitong usapin hindi magandang makita na nangunguna ang ating bansa. Napakatagal ng problema ng Pilipinas ang mabigat na daloy ng trapiko. Ilang administrasyon na ang nagdaan ngunit ang suliraning ito ay nananatiling isa sa mga pangunahing hadlang sa mabilis na pag-unlad ng ekonomiya. Kailangan talagang mahikayat ang mga tao na gumamit ng pampublikong transportasyon upang mabawasan ang bilang ng mga sasakyang bumabiyahe kada araw sa mga pangunahing lansangan.
Subalit paano ba ito mangyayari kung napakadaling makabili ng sasakyan dito sa bansa. Ang mga mayayamang pamilya ay nagmamay-ari ng higit isang sasakyan. Kada taon din nananatili sa mataas na bilang ang naibebentang mga sasakyan. Sa katunayan, ayon kay dating Metropolitan Manila Development Authority chair Romando Artes, nasa 300,000 ang naibentang sasakyan noong 2021, at 60% hanggang 70% nito ay bumabaybay sa mga daan ng Metro Manila kada araw. Hindi na kataka-takang talagang magpapatuloy ang pagbigat ng daloy ng trapiko lalo na sa mga pangunahing lansangan.
Buti na lamang at ipinagpatuloy ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang proyektong pang-imprastrakturang inumpisahan sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ang dating programang kinilala bilang “Build, Build, Build” ay itinuloy at mas pinalawig pa sa ilalim ng “Build Better More”. Tiyak na magiging malaking tulong sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko ang pagtatapos ng mga proyektong ito.
Kapag lumuwag ang daloy ng trapiko sa bansa, tiyak na makatutulong ito sa pagiging mas produktibo ng mga manggagawang Pilipino. Sa kasalukuyan kasi, kinakailangan gumising ng mas maaga ng mga ito upang makarating sa trabaho sa tamang oras. Ang pagiging late ay kadalasang nagreresulta sa kaltas o hindi magandang rekord sa kompanya. Sa biyahe pa lamang pagod na agad ang mga empleyado dahil sa stress na dulot ng trapiko. Napakaraming oras at enerhiya ang nasasayang hindi pa man nakararating sa lugar ng trabaho.
Base sa aking personal na karanasan, mahirap ding gumawa ng plano sa weekend kapag gustong mamasyal ng pamilya. Kailangang isama sa konsiderasyon ang haba ng biyahe sa pagkaipit sa trapiko. Ang kaunting pagkahuli sa oras ng pag-alis ay magreresulta agad sa sayang na oras at pagkasira ng plano. Mas tumataas din ang gastos kapag naiipit sa trapiko dahil mahal na nga ang produktong petrolyo, mas tataas pa ang konsumo sa gasolina at diesel dahil sa mabagal na daloy ng trapiko. Sa madaling salita, talagang isang matinding pabigat sa mga mamamayan ang suliraning ito.
Nawa’y balang araw, kapag natapos na ang mga proyektong imprastrakturang makapagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa bansa, mas piliin din ng mga taong gamitin at pakinabangan ang mga ito sa pamamagitan ng paggamit ng pampublikong transportasyon. Nawa’y maging katulad tayo ng bansang Singapore kung saan mas pinipili ng mga tao ang gumamit ng tren at bus sa halip na magmaneho ng sariling sasakyan kaya’t maluwag ang daloy ng trapiko.