DAVAO CITY – SINAMPAHAN ng reklamong malicious mischief ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban kina Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Marbil, at iba pang opisyal ng pulisya kaugnay sa operasyon sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.
Ang mga kaso laban kay Abalos at mga opisyal ng PNP ay inihain sa Regional Trial Court Branch 15 sa Davao City.
Inihahain ang malicious mischief kung mayroong nasira sa ari-arian.
Si Duterte ang bagong administrator ng KOJC properties.
Noong Agosto 24, nasa 2,000 miyembro ng PNP ang lumusob sa 30-ektaryang KOJC compound para isilbi ang arrest warrant laban sa puganteng self-appointed son of God na si Apollo Quiboloy na lider ng KOJC.
Hinukay ng mga pulis ang isang underground tunnel sa basement ng Jose Maria College, isa sa mga istrukturang matatagpuan sa loob ng compound.
Nitong Linggo, matatandaan na naaresto na ng pulisya sina Quiboloy, Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada, at Sylvia Cements sa loob pa rin ng KOJC compound.
EVELYN GARCIA