SUNDALO TIMBUWANG, 2 PA SUGATAN SA ENGKUWENTRO

Sundalo

MAGUINDANAO – ISANG tauhan ng Philippine Army ang nasawi habang dalawang kasamahan nito ang malubhang nasugatan nang mapalaban ang kanilang tropa sa isang grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa bayan ng Mamasapano.

Kinilala ang nasawing sundalo na si Sgt. Randy Alivar habang ang mga sugatan naman ay kinilalang sina Pfc. Ruel Sumilhig at Pfc. Allan James Cabildo.

Kasalukuyang nagsasagawa ng combat patrol operation ang mga tauhan ng Philippine Army nang masabat nila ang isang grupo ng mga terorista sa Barangay Tukanalipao ng nasabing bayan na agad na nauwi sa matinding sagupaan.

Sa impormasyong ibinahagi naman  ni Western Mindanao Command spokesperson, Maj. Arvin Encinas, habang nagpapatrolya ang mga sundalo sa Barangay Tukanalipao, bago ang nasabing engkuwentro laban sa  hindi pa matukoy na bilang ng mga armadong miyembro umano ng BIFF Bungos Faction ay nakasagupa na ito ng kanilang mga tauhan noong Sabado.

Ayon kay Encinas, dalawang mga miyembro rin ng BIFF ang nasawi sa engkuwentro noong Sabado, Nobyembre 9.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng clearing operations ang militar para tuluyang maitaboy ang BIFF sa lugar.

Nabatid na nasa 450 pamilya o 2,700 indibidwal ang nagsilikas dahil sa takot na maipit sa nasabing sagupaan. VERLIN RUIZ   

Comments are closed.