HINDI nga naman maiiwasan ang kaliwa’t kanang kainan sa opisina. Halimbawa na lang kapag birthday ng isang katrabaho, siyempre hindi puwedeng mawala ang handaan. Kadalasan pa naman sa mga handang hindi nawawala sa kasiyahan o birthday ay ang liempo, litsong manok, pansit at spaghetti, pizza, cake, ice cream at kung minsan ay mayroon pang litson.
Napakahirap nga namang hindian ang mga nabanggit na pagkain. Isama pa riyan ang softdrinks na lalong nagpapasarap sa ating pagkain.
At dahil hindi nga naman nawawala ang kainan sa opisina, narito ang ilang tips na puwedeng subukan nang hindi mapakain ng sobra:
HUWAG MAG-SKIP NG PAGKAIN
Nakasanayan na ng marami sa atin na kapag may kainan sa opisina, nag-skip ng kain o meal para nga naman marami ang makain sa handaan. Siyempre nga naman, iniisip na natin ang masasarap na putaheng maaaring ihanda. Sayang naman kung hindi tayo makakakain ng marami. Sayang din kung hindi natin ma-enjoy at matitikman ang lahat ng putaheng nakahanda.
Isa ang nakasanayang ito sa dapat nating iwasan. Hindi nga naman makabubuti ang pag-skip ng pagkain o meal dahil lang sa may party o kainan sa opisina.
Mainam din kung magme-merienda ng healthy gaya na lang ng nuts nang maiwasan ang mapakain ng sobra.
Kaya’t unang paraan ay ang pagkain ng tama. Ibig sabihin, huwag mag-skip ng meal para lang makakain ng marami sa kasiyahang dadaluhan.
KUMUHA LANG NG TAMA AT KAYANG UBUSIN
Kapag maraming pagkain ang nasa ating harapan, kadalasan ay nalilito tayo kung ano ang kakainin o uunahin. Nariyan din ang takaw-tingin. Kumbaga, ginugusto nating tikman ang lahat ng pagkain.
Kadalasan tuloy, kumukuha tayo ng maraming pagkain na sa dulo ay hindi naman pala natin kayang ubusin.
Sa mga handaan, mainam kung paunti-unti ang pagkuha ng pagkain. Unahin din ang mga healthy na pagkain. Halimbawa kung may nakahandang salad, unahin ito sa pagkain.
Puwede rin namang tikman ang lahat ng handa pero hinay-hinay lang sa pagkain. Huwag magpapakabundat. Higit sa lahat, nguyaing mabuti ang pagkain.
HUWAG MAKIPAG-UNAHAN SA PAGKUHA NG PAGKAIN
Naeengganyo tayong manguna sa pila o manguna sa pagkuha ng pagkain lalo na kapag ang dami-dami nating gustong kainin.
Iwasan ang pakikipag-unahan sa pagkuha ng pagkain. Makatutulong upang makapagdesisyon nang talagang gustong kainin kung magpapahuli sa pagkuha ng pagkain. Kumbaga, tingnan muna ang mga pagkain saka kumuha.
Kung kukuha lang din tayo ng tama at kaya nating ubusin, maiiwasan ang pagsasayang ng pagkain.
Marami naman talagang paraan upang maiwasan natin ang mapakain ng sobra kahit pa kaysasarap ng mga putaheng nasa ating harapan. Bukod sa ibinigay naming tips, isa pa sa malaki ang maitutulong ay ang pagkontrol sa sarili.
Kung kaya nating kontrolin ang sariling huwag kumain ng todo,, maiiwasan natin ang kaliwa’t kanang sakit na kadikit ng sobrang pagkain.
Isa sa dapat nating alagaan ay ang ating kalusugan. ‘Ika nga, health is wealth. Kaya’t maging maingat tayo.
Mas mag-e-enjoy rin tayo sa buhay kung malakas tayo at malusog. CT SARIGUMBA
Comments are closed.