NAPAKARAMING kaabang-abang na kaganapan ang nangyari sa loob ng dalawang araw. Nariyan ang inaabangang laban sa pagitan ni People’s Champ Sen. Manny ‘Pacman’ Pacquiao at ng bagitong undefeated champion na si Keith Thurman na ginanap noong Linggo. Kahapon naman, binuksan na ang 18th Congress kung saan pinili na sa wakas ang bagong House Speaker at Senate President. Sinundan ito ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Linggo ay pinatunayan ni Pacquiao na kayang-kaya pa rin niyang makipagsabayan at talunin ang mga boxer na mas bata, mas matangkad, at may mas malaking pangangatawan kaysa sa kanya. Itinanghal na panalo sa laban si Pacquiao via split decision. Sa unang round pa lamang ay napa-tumba na niya si Thurman. Ngunit ang mga sumunod na round ay hindi naging madali para sa kampeon dahil binigyan siya ng magandang laban ni Thurman na inabot ng 12 rounds. Naging maayos naman ang pagtanggap ni Thurman sa kanyang unang pagkatalo. Isang karangalan para sa ating mga Filipino na ang ating kampeon na si Pacquiao ang nagpalasap ng kauna-unahang pagkatalo sa karera ni Thurman.
Matapos na magdiwang sa pagkapanalo ni Pacman, tumutok naman ang bansa sa pagbubukas ng 18th Congress kahapon, ika-22 ng Hulyo. Kontrobersiyal at inaabangan ito dahil palaisipan kung sino ang iluluklok na House Speaker dahil naging maugong ang mga pangalan nina Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na kapwa malapit kay Pangulong Duterte. Isang pangalang lumutang din ay ang kay Leyte Rep. Martin Romualdez. Umabot pa sa usapan ng pagkakaroon ng ‘term sharing agreement’ sa pagitan nina Cayetano at Velasco. Sa pag-atras nina Romualdez at Velasco sa nominasyon, ang botohan ay sa pagitan nina Cayetano at Rep. Bienvenido ‘Benny’ Abante, Jr. Matapos ang botohan ay idineklarang House Speaker si Cayetano na nakakuha ng 266 boto.
Sa Senado naman, mananatili sa posisyon si Senate President Vicente Sotto III, gayundin sina Senate President Pro-tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, at Senate Minority Leader Franklin Drilon. Nanumpa na rin sa batas ang mga bagong luklok na senador na sina Ronald ‘Bato’ dela Rosa, Christopher ‘Bong’ Go, at Imee Marcos, kasama ang mga nagbabalik sa Senado na sina Pia Cayetano, Lito Lapid, at Ramon Revilla, Jr.
Ilang oras matapos ang pagbubukas ng 18th Congress, ginanap naman ang ikaapat na SONA ng Pangulo.
Napakaganda ng tiyempo ng SONA dahil ginanap ito matapos ilabas ng Pulse Asia ang resulta ng survey na nagsasabing 85% ng mga Filipino ay nagtitiwala pa rin sa Pangulo at sa kanyang pagganap sa kanyang mga tungkulin bilang pinuno ng bansa. Nakabibilib na sa kabila ng mga kontrobersiyang ibinabato sa administrasyong Duterte, naging maganda pa rin ang resulta ng nasabing survey.
Tila pumapanig kay Pangulong Duterte ang tadhana sa pagkapanalo ng kanyang mga inendorsong kandidato noong nakaraang eleksiyon. Magandang oportunidad ito upang isulong ang kanyang mga plano para sa bansa sa susunod na tatlong taon.
Ang isang pangulong pinagkakatiwalaan ng kanyang mga pinamumunuan at suportado ng kanyang mga kasama sa administrasyon ay magreresulta sa isang mas positibong pananaw ng bansa. Mainam ito sa kanyang pamumuno dahil ito ay nangangahulugan na mas kakayanin niyang ipatupad ang kanyang mga plano para sa bansa.
Isang halimbawa nito ay ang paniniguro ni Pangulong Duterte na makapagbigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo na matagal nang hinihiling ng ating mga kababayang kapos sa kapalaran. Makatutulong ito sa sektor ng negosyo dahil mas darami na ang mga Filipinong mahusay at mataas ang pinag-aralan na siyang kailangan ng ating lumalagong ekonomiya.
Ang tagumpay ng isang bansa ay nagsisimula sa kalidad ng edukasyon na mayroon ito at sa paglilinang ng kahusayan ng mga nakababatang henerasyon. Ang tiwala ng publiko kay Pangulong Duterte ang nagsilbing daan upang maisakatuparan niya ang kanyang planong makapagbigay ng libreng edukasyon.
Noong nakaraang taon din ay ipinasa ang batas ukol sa Universal Health Care na ikinagalak ng masa. Kagaya ng edukasyon, isang importanteng bahagi rin ng tagumpay ng isang bansa ang pagkakaroon ng plataporma para sa pangangalaga ng kalusugan. Hindi posibleng magkaroon ng malusog at mahusay na bansa kung salat sa kalusugan ang mga taong nakatira rito.
Kaugnay nito, dinoble ni Pangulong Duterte ang suweldo ng mga pulis at mga sundalo at nangakong gagawin din ito para sa pampublikong mga guro. Ang desisyong ito ng Pangulo ay hindi lamang kahanga-hanga kundi kabilib-bilib din dahil sa ito ay maituturing na matalino at pantaktikang de-sisyon. Binibigyan ni Pangulong Duterte ng kumpiyansa at pribilehiyo ang mga Filipino at bilang resulta ay nakukuha niya ang kalooban ng mga ito. Bunsod nito, ang buong bansa ay mas madaling uunlad.
Upang matugunan naman ang mga alalahanin ng mga lokal at internasyonal na kapitalista, itinulak ng administrasyong Duterte ang “Ease of Doing Business Act”, na nagtatanggal ng napakaraming rekisitos sa proseso upang mas maging mabilis ang pag-andar ng programang ‘Build Build Build’ ng gobyerno.
Nararamdaman na sa buong bansa ang tinatawag na Dutertenomics ng Pangulo na naglalayong pataasin ang pampublikong paggastos sa mga im-prastraktura sa pag-asang mas bibilis ang paglago ng ating ekonomiya. Sa pamamagitan ng programang ‘Build Build Build’, inaasahang tataas ng 9-10% ang pampublikong paggastos sa imprastraktura sa mga susunod na taon.
Malinaw na sa pagpapabilis ng proseso ng mga proyekto ng gobyerno at pagtatayo ng mga karagdagang imprastraktura kasabay ng Rice Tariffication Law, at pagkakapasa ng TRABAHO bill, madaragdagan ang mga magnanais mamuhunan sa ating ekonomiya. Kasalukuyang nasa pinakamababa, sa loob ng 40 taon, ang antas ng porsiyento ng mga walang trabaho sa bansa. Ipinakikita rin ng pagbaba ng antas ng kahirapan sa bansa ang pagiging epektibong pinuno ni Pangulong Duterte.
Tuloy-tuloy ang mahusay na pamumuno ng Pangulo at tila walang makapipigil sa kanya sa pagpapatupad ng kanyang mga nakahanay na reporma. Malinaw na hindi nakaaapekto ang mga kritiko maging ang mga nasa ibang bansa sa kanyang pamumuno bilang Pangulo ng Filipinas. Ngayong naganap na ang ikaapat na SONA, ating abangan ang katuparan ng kanyang mga bagong pangako sa natitirang tatlong taon ng kanyang panunungkulan.
Comments are closed.