“Nakaraan lang sinabi niyong tataasan ang coverage para sa stroke. Ano pang pagpapabuti ang gagawin niyo para sa aming mga benepisyo”
– Grace Ann
Plaridel, Bulacan
Magandang araw sa iyo, Grace Ann! Marami pang gagawin ang PhilHealth para mapabuti ang mga benepisyong maaaring gamitin ng mga miyembro. Ngayon naman ay pag-usapan natin ang pagtaas ng coverage para sa high-risk pneumonia.
Alam mo bang isa sa mga nangungunang claims na natatanggap ng PhilHealth ay para sa moderate at high-risk pneumonia? Katunayan, noong Hulyo ay umabot na sa higit 218,000 ang nabayaran naming claims para sa mga kundisyong ito. Sumatutal, lagpas P3.2 bilyon ang natanggap na benepisyo ng mga pasyente para malunasan ang kanilang pneumonia.
Ito ang dahilan kaya, tinaasan namin ang coverage para sa high-risk pneumonia. Mula sa dating P32,000 ay P90,100 na ang sagot ng PhilHealth sa gastos ng pasyente. Kasama na rito ang bayad sa room and board, mga gamot, at professional fee ng duktor.
Grace Ann, abangan mo ang mga nakaambang pagpapabuti ng marami pang benepisyo, lalo pa at inilabas na ang guidelines para sa rationalization ng mga Case Rate Packages ng PhilHealth. Bunsod na rin ng nararanasang inflation ay nagpasya din ang PhilHealth na taasan ang iba pang mga pakete, hanggang 30%. Ito ay para mapababa pa nang husto ang out-of-pocket expense ng pasyente.
Tuloy-tuloy ang PhilHealth sa pagpapaganda ng ating National Health Insurance Program para maramdaman ng bawat Filipino ang kanilang mga benepisyo. Salamat sa iyong tanong, Grace Ann. Hanggang sa muli!
——————————————————————————————
WORLD AIDS DAY
Noong Disyembre 1 ay ginunita ang World AIDS Day. Ayon sa Global AIDS Monitoring Report noong 2022, tumaas ng 327% ang bagong impeksyon ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa bansa. Samantala, mas marami ng 401% naman ang namatay dahil sa Acquired Immunodeficiency Syndrome o AIDS.
Nakalulungkot na balita ngunit narito ang inyong PhilHealth para seguruhin na mayroong benepisyong nakalaan para sa mga PLHIV o People Living with HIV.
Bagama’t walang gamot sa HIV/AIDS, kayang i-manage ito! Kaya naman noong 2010 ay inilunsad namin ang Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT) Package. Sa ilalim nito, sagot ng PhilHealth ang antiretroviral therapy kasama na ang konsultasyon, screening para sa tuberculosis, pag-monitor ng viral load testing (blood test na sinusukat ang HIV) sa pasyente, at iba pa.
Para sa mga kababayan nating mayroong HIV/AIDS, makagagamit kayo ng benepisyong aabot sa P30,000 kada taon o P7,500/quarter. Narito kami para tulungan kayong mapanatili ang inyong kalusugan. Tignan ang listahan ng Department of Health-designated HIV Treatment Hubs sa: https://www.philhealth.gov.ph/partners/providers/institutional/map/.
BALITANG REHIYON
Para sa inyong mga katanungan, kumento, at suhestiyon, mag-iwan ng voice-mail sa aming Callback Channel: 0917-8987442 para sa detalye ng concern.
Pwede ring magpadala ng e-mail sa [email protected]. I-follow kami sa Facebook (PhilHealthOfficial) at Twitter (@teamphilhealth) para sa updates tungkol sa NHIP. Panoorin ang mga videos namin sa YouTube at mag-subscribe sa aming Channel (youtube.com/@teamphilhealth).