NAITALA ni Chris Paul ang 19 sa kanyang 28 points sa fourth quarter at nagposte rin ng 14 assists na walang nagawang turnover upang pangunahan ang Phoenix sa 114-111 panalo kontra host New Orleans.
Nagdagdag si Deandre Ayton ng 28 points sa 13-of-20 shooting at nakakolekta ng 17 rebounds upang tulungan ang Suns na kunin ang 2-1 lead sa best-of-seven Western Conference first-round playoff series. Namayani ang Phoenix sa kabila ng pagkaka-sideline ni Devin Booker sanhi ng right hamstring injury.
Kumubra si Brandon Ingram ng 34 points at 7 rebounds at nag-ambag si CJ McCollum ng 30 points at 7 assists para sa Pelicans. Nakatakda ang Game 4 sa Linggo ng gabi sa New Orleans.
HAWKS 111,
HEAT 110
Isinalpak ni Trae Young ang go-ahead runner sa lane laban kay Jimmy Butler, may 4.4 segundo ang nalalabi, upang tulungan ang host Atlanta Hawks na gapiin ang Miami Heat at tapyasin ang deficit sa kanilang first-round Eastern Conference playoff series sa 2-1.
Nalusutan ng Atlanta ang 21-0, third-quarter run ng Miami na nagbigay sa Heat ng 16-point lead. Tatangkain ng eighth-seeded Hawks, na 21-3 sa home magmula noong Jan. 17, na maipatas ang series kontra top-seeded Heat sa Game 4 sa Linggo sa Atlanta.
Tumapos si Young na may 24 points at 8 assists. Naipasok niya ang 6 sa 14 shots, kabilang ang i2 of 6 mula sa 3-point range.
Nagsalansan si Butler, na umiskor ng 45 points sa Game 2 noong Martes, ng 20 points, 10 rebounds at 8 assists. Gayunman ay nagmintis siya sa dalawang key shots sa huling 13 segundo.
BUCKS 111,
BULLS 81
Umiskor si Grayson Allen ng 22 points mula sa bench at nagdagdag si Bobby Portis ng18 points at 16 rebounds nang pataubin ng Milwaukee ang Chicago upang kunin ang 2-1 lead sa kanilang first-round Eastern Conference playoff series.
Nakalikom si Giannis Antetokounmpo ng 18 points, 9 assists at 7 rebounds para sa Milwaukee. Nagwagi ang Bucks na wala si Khris Middleton, na inaasahang hindi makapaglalaro sa kabuuan ng series makaraang ma-sprain ang kanyang kaliwang knee ligament sa Game 2.
Tumirada si Nikola Vucevic ng 19 points at nagdagdag si Zach LaVine ng 15 para sa Bulls na natalo sa kanilang unang home playoff game magmula noong 2017. Gumawa lamang si DeMar DeRozan ng 11 points para sa Chicago matapos ang 41-point performance sa Game 2.