SUNS, CAVS RUMESBAK; CELTICS ABANTE SA 2-0

NAGBUHOS si Devin Booker ng 38 points at 9 assists, at naitabla ng Phoenix Suns ang kanilang first-round Western Conference playoff series sa 1-1 sa 123-109 panalo laban sa bisitang Los Angeles Clippers noong Martes ng gabi.

Nagdagdag si Kevin Durant ng 25 points, 6 rebounds at 5 assists para sa Phoenix na bumawi mula sa Game 1 home loss. Umiskor si Torrey Craig ng 17 points at nagsalpak ng limang 3-pointers, nag-ambag si Chris Paul ng 16 points at 8 assists at kumubra si Deandre Ayton ng 14 points at 13 rebounds para sa Suns.

Nagsalansan si Kawhi Leonard ng 31 points, 8 rebounds, 7 assists at 3 steals at nagdagdag si Russell Westbrook ng 28 points para sa Clippers. Kumabig sina Eric Gordon at Norman Powell ng tig-12 points at gumawa si Terance Mann ng 10 para sa Los Angeles.

Nakatakda ang Game 3 ng best-of-seven series sa Huwebes ng gabi sa Los Angeles.

Naghabol ang Clippers ng 13 points sa kaagahan ng fourth quarter, subalit bumanat si Leonard ng isang 3-pointer at isinalpak ni Westbrook ang dalawang free throws upang makalapit sa 115-109, may 3:13 ang nalalabi. Ngunit hindi na nakaiskor ulit ang Los Angeles.

Celtics 119, Hawks 106

Nagbida si Jayson Tatum para sa Boston Celtics na kinuha ang 2-0 series lead laban sa Atlanta Hawks.

Tumapos si Tatum na may 29 points, kabilang ang limang 3-pointers, at nalusutan ng second-seeded Celtics ang mabagal na simula upang dominahin ang seventh-seeded Hawks.

“Playoffs are all about adjustments, trying to move on from game to game, seeing what you can do better — and I think we played better,” wika ni Tatum.

“We want to be peaking at this time of year. Everybody’s healthy, playing the right way, playing really well — but we’ve got another level we can go to hopefully.”

Kumarera ang Atlanta sa 22-11 lead sa first quarter bago pumutok ang opensa ng Boston upang bigyan ang Celtics ng 28-25 kalamangan papasok sa second quarter.

Nagtala si Derrick White ng 26 points at nagdagdag si Jaylen Brown ng 18 points para sa Celtics.

Nanguna si Dejounte Murray sa scorers ng Atlanta na may 29 points habang tumapos si Trae Young na may 24.

“They won, we lost — we’ve just got to be better,” sabi ni Atlanta playmaker Young.

Cavaliers 107, Knicks 90

Nagposte sina Donovan Mitchell at Evan Mobley ng double-doubles at pinangunahan ni Darius Garland ang decisive second-quarter surge para sa host Cleveland Cavaliers, na naitabla ang kanilang Eastern Conference quarterfinal series sa New York Knicks sa 1-1.

Nakatakda ang Game 3 sa Biyernes ng gabi sa New York.

Tumipa lamang si Mitchell, ang seventh-leading scorer sa NBA ngayong season sa 28.3 points per game, ng 17 points makaraang pumutok ng 38 sa kanilang Game 1 loss, subalit nakakolekta ng career-high 13 assists.

Nakalikom si Mobley ng 13 points at 13 rebounds habang umiskor si Garland ng 32 points, kabilang ang 26 sa first half.

Gumawa si Caris LeVert ng 24 points mula sa bench para sa Cavaliers, na ang reserves ay na-outscore ang reserves ng Knicks, 36-28.

Na-outscore ng bench ng New York ang Cleveland, 37-14, sa 101-97 panalo sa Game 1 noong Sabado ng gabi.

Umiskor si Julius Randle ng 22 points sa Game 2 para sa Knicks, na bumuslo lamang ng 36.7% mula sa field (29-for-79), kabilang ang 24.1% (7-for-29) mula sa three-point area, at gumawa ng 18 turnovers.

Kumabig si Jalen Brunson ng 20 points habang nagdagdag si RJ Barrett ng 14 points at tumapos si Immanuel Quickley ng 12 points mula sa bench.