NAISALPAK ni Chris Paul ang huling dalawang baskets ng Suns,1:24 ang pagitan, kabilang ang isang clutch runner sa lane, may 13.1 segundo ang nalalabi, at nalusutan ng Phoenix Suns ang foul-filled finish para mapantayan ang kanilang single-season franchise wins record sa pamamagitan ng 107-103 panalo kontra Golden State Warriors nitong Miyerkoles sa San Francisco.
Tumapos si Devin Booker na may 22 points, kabilang ang 10-for-12 sa line, at napantayan ni Mikal Bridges ang team-high honors na 22, upang tulungan ang Suns na mapantayan ang franchise victory record na 62, na naitala noong 1992-93 at na-match noong 2004-05.
Nakopo ng Phoenix ang ika-9 na sunod na panalo.
Napantayan ni Jordan Poole ang kanyang career high, na naitala noong nakaraang Mayo kontra New Orleans Pelicans, na may game-high 38 points para sa Warriors. Nalasap ng Golden State ang ika-4 na sunod na pagkatalo at nahulog sa tie para sa third place sa Western Conference kasama ang tDallas Mavericks.
HEAT 106,
CELTICS 98
Umiskor si Jimmy Butler ng 24 points at nagdagdag si Kyle Lowry ng 23 nang pataubin ng bisitang Miami ang Boston.
Kumubra si Bam Adebayo ng 17 points at team-high 12 rebounds para sa Heat na napanatili ang one-game lead sa Eastern Conference laban sa Milwaukee Bucks. Ang Boston at Philadelphia 76ers ay kapwa naghahabol sa Miami ng dalawang laro.
Nakakuha ang Celtics ng 28 points, 10 rebounds at 6 assists mula kay Jaylen Brown. Nagdagdag si Jayson Tatum ng Boston ng 23 points at 6 assists.
Sa iba pang laro, pinataob ng Mavericks ang Cavaliers, 120-112; ginapi ng Raptors ang Timberwolves, 125-102; dinaig ng Wizards ang Magic, 127- 110; ginapi ng Nuggets ang Pacers, 125-118; dinispatsa ng Hawks ang Thunder, 136-118; naungusan ng Grizzlies ang Spurs, 112-111; nagwagi ang Pelicans kontra Trail Blazers, 117-107; at pinabagsak ng Kings ang Rockets, 121- 118.