SUNS PINALUBOG NG JAZZ

NAGBUHOS si Donovan Mitchell ng 26 points upang pangunahan ang Utah sa 118-114 panalo laban sa Phoenix.

Nakalikom si Rudy Gobert ng 16 points, 14 rebounds at 3 blocks para sa Jazz. Nagdagdag si Jordan Clarkson ng 22 points mula sa bench. Kumana ang Utah ng 17 3-pointers, sa pangunguna ni Mitchell na nagtala ng 6 of 11 mula sa perimeter. Na-outscore din ng Jazz ang Suns, 43-11, sa bench points.

Kumubra si Devin Booker ng 30 points, 7 rebounds at 7 assists upang pangunahan ang Phoenix. Nagdagdag si Cameron Johnson ng 23 points at 5 assists, habang nagposte si  DeAndre Ayton ng 23 points at 7 rebounds.

Gayunman ay hindi ito sapat upang maisalba ang Suns sa back-to-back losses sa unang pagkakataon magmula noong late December.

76ERS 125,

KNICKS 109

Tunirada si James Harden ng triple-double sa kanyang ikalawang laro sa Philadelphia — 29 points, 16 assists at 10 rebounds — at lumayo ang bisitang 76ers sa huling bahagi ng  fourth quarter upang pataubin ang New York Knicks.

Nagdagdag si Harden, kinuha sa Brooklyn Nets noong Feb. 10, ng 5 steals upang maging unang player sa kasaysayan ng 76ers na tumapos na may hindi bababa sa 25 points, 15 assists, 5 rebounds at 5 steals sa isang laro.

Umiskor si Joel Embiid ng 37 points at nagtala ng 23-of-27 mula sa free-throw line — ang naipasok at attempts ay career-highs — para sa 76ers, na nanalo ng tatlong sunod at lima sa anim. Tumipa si Tyrese Maxey ng 21 points at nag-ambag si Tobias Harris ng 12.

Para sa Knicks, na natalo ng siyam sa kanilang huling 10 games, kumana sina RJ Barrett at Evan Fournier ng tig-24 points habang kumabig si Julius Randle (16 points, 10 rebounds) ng double-double. Nagdagdag si Immanuel Quickley ng 21 points mula sa bench.

Sa iba pang laro, pinataob ng Mavericks ang Warriors, 107-101; naungusan ng Pistons ang Hornets, 127-126 (OT); ginapi ng Pacers ang 128-107; pinabagsak ng Clippers ang Rockets, 99-98; inapula ng Nuggets ang Trail Blazers, 124-92; at pinulbos ng Pelicans ang Lakers, 123-95.