NAIPASOK ni Ricky Rubio ang dalawa sa limang 3-pointers ng Phoenix sa 21-0, first-quarter run nang gibain ng Suns ang Golden State, 121-110, sa San Francisco sa gabing nawala sa Warriors si Stephen Curry dahil sa nabaling kaliwang kamay.
Natamo ni Curry ang injury sa fourth minute ng third period kung saan naghahabol ang Warriors sa 83-54 nang tangkain nitong isalaksak ang bola subalit naharang ito ni Suns center Aaron Baynes.
Agad na dinala ang two-time NBA Most Valuable Player sa locker room, at kalaunan ay inanunsiyo ng Warriors na nabalian siya ng kamay sa insidente.
Nagpakawala rin sina Dario Saric, Baynes at Devin Booker ng 3-pointers sa run, at napalobo ng Phoenix ang kalamangan sa 39-11.
Tumipa si Baynes ng 24 points at 12 rebounds habang nagdagdag sina Saric ng 16 points, Rubio ng 14, Cameron Johnson ng 12 at Kelly Oubre Jr. ng 11 points.
Nagwagi sa ikatlong pagkakataon sa limang laro, ang Suns ay bumuslo ng 45.8 percent overall at 15-for-36 (41.7 percent) sa 3-pointers.
Nagbuhos si rookie Eric Paschall ng 20 points upang pangunahan ang Warriors, na bumagsak sa 0-2 sa kanilang bagong tahanan, ang Chase Center.
HOUSTON 159,
WIZARDS 158
Humataw si James Harden ng 59 points at naisalpak ang isang free throw, may 2.4 segundo ang nalalabi, upang pangunahan ang Houston Rockets sa panalo kontra Washington Wizards para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.
Si Harden ay 18 of 32 mula sa field. Tumipa si Russell Westbrook ng 17 points, 10 rebounds at 12 assists at nagdagdag si Clint Capela ng 21 points para sa Rockets, na bumuslo ng 53.4 percent (55 of 103) mula sa field.
Nanguna si Bradley Beal para sa Wizards na may 46 points sa 14-of-20 shooting. Nagtala si rookie Rai Hachimura ng 23 points at nakalikom si Davis Bertans ng 21. Bumuslo ang Washington ng 62.6 percent (57 of 91) mula sa field.
PORTLAND 102,
OKLAHOMA 99
Tumabo si Damian Lillard ng 23 points, kabilang ang tatlong sunod na 3-pointers sa fourth-quarter stretch, upang pagbidahan ang bumibisitang Portland Trail Blazers kontra Oklahoma City Thunder.
CHARLOTTE 118,
SACRAMENTO 111
Nagsalansan si rookie PJ Washington ng 23 points at 8 rebounds at nagdagdag si Terry Rozier ng 22 points nang payukuin ng Charlotte Hor-nets ang host Sacramento Kings.
Nagdagdag si Malik Monk ng 18 points mula sa bench at gumawa si Miles Bridges ng 17 nang putulin ng Charlotte ang three-game losing streak. Nag-ambag si Cody Zeller ng 12 points at 15 rebounds, tumipa si Devonte’ Graham ng 12 points at 9 assists, at gumawa si Marvin Williams ng 11 points para sa Hornets.
Comments are closed.