HUMABOL ang Phoenix Suns mula sa 16-point deficit at na-outscore ang bisitang Washington Wizards, 31-19, sa fourth quarter tungo sa 112-108 panalo nitong Linggo.
Bumuslo si Devin Booker ng 4 of 6 mula sa floor at umiskor ng 11 sa kanyang 27 points sa final period, upang tulungan ang Phoenix na sindihan ang rally sa offensive end.
Nalimitahan ng Suns ang Washington sa 7-of-27 shooting sa quarter at binura ng Phoenix ang halos game-long deficit upang kunin ang kalamangan sa huli.
Na-outscore ng Suns ang Wizards, 24-8, sa unang 8:36 ng final quarter upang kunin ang eight-point lead. Humabol ang Washington sa pamamagitan ng 9-2 run, tampok ang put-back ni Daniel Gafford, may 42 segundo ang nalalabi, na naglapit sa Wizards sa isang puntos.
Nanguna si Gafford para sa Washington na may personal bests na 26 points at 17 rebounds.
Bumuslo lamang si Kevin Durant, na tumapos na may game-high 28 points, ng 1-of-5 sa closing period.
Celtics 114,
Magic 97
Nag-init si Jaylen Brown sa huling sandali upang tumapos na may 31 points at pagbidahan ang Boston Celtics sa panalo kontra bisitang Orlando Magic.
Ang Boston ay nanalo sa kanilang unang 14 home games sa season, at naging ikalawang koponan pa lamang sa franchise history na nakamit ang naturang tagumpay. Ang 1957-58 Celtics ang nagtala ng pinakamagandang simula sa harap ng friendly crowd, na may 18-0.
Naiposte ni Brown ang 17 sa kanyang mga puntos sa fourth quarter at kumana ng 12-for-20 mula sa field. Nagdagdag si Jayson Tatum ng 23 points at 8 rebounds para sa Boston, na nakakuha rin ng 15 points at 10 boards mula kay Kristaps Porzingis.
Nagbuhos si Paolo Banchero ng game-high 36 points na sinamahan ng 10 rebounds at yumuko ang Orlando sa Celtics sa ikalawang pagkakataon sa tatlong araw. Pinataob ng Boston ang Magic, 128-111, noong Biyernes.
Si Jalen Suggs (13 points) ang isa pang player na umiskor ng double figures para sa visitors, na naipasok ang 38.2 percent lamang ng kanilang mga tira.
Bucks 128,
Rockets 119
Kumana si Damian Lillard ng 39 points at 11 assists at naiposte ng Milwaukee Bucks ang kanilang ika-4 na sunod na panalo, makaraang gapiin ang bisitang Houston Rockets.
Nagdagdag si Giannis Antetokounmpo ng 26 points at 17 rebounds, tumipa si Khris Middleton ng 20 points, gumawa si Brook Lopez ng 18 at tumapos si Bobby Portis Jr. na may 11 para sa Milwaukee, na bumuslo ng 50 percent mula sa field at pinutol ang five-game winning streak ng Rockets.
Nanguna si Fred VanVleet para sa Houston na may 22 points. Nag-ambag si Alperen Sengun ng 20 points, 8 rebounds at 5 assists habang umiskor si Dillon Brooks ng 18 points. kumamada sina Jalen Green, Jeff Green at Jabari Smith Jr. ng tig-16 points, at nag-ambag si Tari Eason ng 11.