SUNS RATSADA SA IKA-10 SUNOD NA PANALO

NAGBUHOS si Devin Booker ng 28 puntos na kinabilangan ng decisive, back-to-back 3-pointers sa huling dalawang minuto at humabol ang Phoenix Suns upang gapiin ang bisitang San Antonio Spurs, 115-110, nitong Linggo para sa kanilang ika-10 sunod na panalo.

Binura ng Suns ang 12-point deficit sa fourth quarter at kinuha ang kalamangan. Rumesbak ang San Antonio, naglaro na wala ang tatlo sa starters nito, at naitala ang 108-106 bentahe bago isinalpak ni Booker ang kanyang dalawang mahirap na baskets mula sa arc upang ibalik sa Phoenix ang kalamangan.

Nagdagdag si Mikal Bridges ng season-high 26 points para sa Suns, na sa 40-9 ay may best record sa NBA. Tumipa si Chris Paul ng 20 points at season-high 19 assists, habang umiskor si Cameron Johnson ng 11, at nag-ambag sina Bismack Biyombo at Ish Wainright ng tig-10 points. Kumalawit din si Biyombo ng game-high 11 rebounds.

Kumubra si Doug McDermott ng 24 points upang pangunahan ang Spurs, habang nagdagdag si Lonnie Walker IV ng 22, Nagsalansan si Keldon Johnson ng16, at gumawa sina Tre Jones ng 15 at Joshua Primo ng 13.

MAGIC 110, MAVERICKS 108

Kumana si Franz Wagner ng 18 points, kabilang ang go-ahead driving layup, may 54 segundo ang nalalabi, at tinapos ng host Orlando ang matagumpay na five-game homestand sa pamamagitan ng comeback win kontra Dallas.

Nakalikom si Wendell Carter Jr. ng 14 points at 14 rebounds, upang tulungan ang Orlando na umangat sa 3-2 sa homestand. Nagdagdag si Chuma Okeke ng season-high 19 points para sa Orlando, na tangan ang 91-88 bentahe sa fourth quarter. Tumapos si Cole Anthony na may 16 points at 6 assists.

Nagposte si Dallas superstar Luka Doncic (13-for-22 shooting) ng 34 points, 12 rebounds at 11 assists para sa kanyang ika-7 triple-double ngayong season at ika-5 sa Enero. Naitala rin ni Doncic ang kanyang ika-26 laro sa season na may hindi bababa sa  20 points, 5 rebounds at 5 five assists.

TIMBERWOLVES 126, JAZZ 106

Tumirada si Karl-Anthony Towns ng triple-double na may 31 points, 11 rebounds at 10 assists upang pangunahan ang Minnesota sa panalo kontra Utah sa Minneapolis.

Nagdagdag si Jaden McDaniels ng 22 points sa perfect 9-for-9 shooting performance para sa Minnesota, na pinutol ang two-game skid. Umiskor si Anthony Edwards ng 15 points at nag-ambag si Jordan McLaughlin ng 12.

Kumubra si Bojan Bogdanovic ng 23 points sa 7-for-11 shooting upang pangunahan ang Utah, na nalasap ang ika-5 sunod na pagkatalo, na isang season-worst. Umiskor si Mike Conley ng 22, at nagdagdag si Jordan Clarkson ng 17 mula sa bench.

Sa iba pang laro ay pinulbos ng Nuggets ang Bucks, 136-100; ginapi ng Hawks ang Lakers, 129-121; dinispatsa ng Pistons ang Cavaliers,115-105; namayani ang Clippers sa Hornets, 115-90; at tinarget ng Bulls ang Trail Blazers, 130-116.