Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang groundbreaking ng Super Health Center sa Barangay Poblacion I, Santiago, Agusan del Norte noong Biyernes, Nobyembre 11, habang ipinahayag niya ang kanyang pangako sa pagpapabuti ng access ng mga Pilipino sa mga de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan at pagtatayo ng mas maraming pasilidad.
Sa isang video message, sinabi ni Go, chair ng Senate Committee on Health and Demography, na naniniwala siya na ang pagkakaroon ng maraming Super Health Centers sa bansa ay makapagbibigay ng pagkakataon para makatulong ang gobyerno sa mahihirap lalo na ang mga nakatira sa probinsya.
“Layunin po ng mga centers na ito na mas ilapit pa sa ating mga kababayan ang mga serbisyong medikal ng gobyerno, lalo na sa mga nasa liblib na lugar at pinaka nangangailangan ng mga ito,” paliwanag ni Go.
“Sa pamamagitan nito, hindi na nila kailangang pumunta sa mga malalaking ospital na kadalasan ay nasa mga syudad kung wala namang malalang sakit,” dagdag ng senador.
Ang Super Health Center, ayon kay Go, ay isang upgraded version ng rural health unit. Magkakaroon ito ng botika, paanakan, out-patient department, dental services, at iba pang serbisyo bukod sa laboratory facilities, minor operating at emergency rooms.
Nauna nang sinabi ng senador na sa budget na nakalaan sa 2022 Health Facilities Enhancement Program, makakapagtayo na ang gobyerno ng 307 Super Health Centers sa buong bansa ngayong taon. Umaasa siya na ang karagdagang pondo ay isasama sa 2023 health budget para mas makapagtayo ang gobyerno lalo na sa ibang mahihirap na lugar.
“Sabi ko nga, now is the time to really invest in our healthcare system. Umaasa ako na ito ang huling pandemya sa ating buhay pero ang totoo hindi natin alam kung kailan darating ang susunod,” dagdag ni Go.
“Talaga pong nabigla ang ating healthcare nu’ng dumating ang pandemya kaya naman pursigido po talaga ako na palakasin pa po ito sa abot ng aking makakaya. Dapat po talaga palagi tayong one-step ahead,” anito.
Samantala, binigyang-diin ni Go na ang mga programang tulong medikal mula sa gobyerno ay maginhawang makukuha sa pamamagitan ng Malasakit Center sa Butuan Medical Center.
Ang Malasakit Centers ay nagho-host ng mga concerned government agencies na may mga programang nagbibigay ng tulong medikal sa mga pasyenteng Pilipino, partikular ang mga mahihirap.
Nilagdaan bilang batas noong Disyembre 2019, ang Republic Act 1463 o ang Malasakit Centers Act, na pangunahing inakda at itinaguyod ni Go sa kanyang unang ilang buwan bilang senador, ang nag-institutionalize ng Malasakit Centers program.