INAASAHANG aabot ng hanggang sa P212 milyon ang jackpot prize ng Super Lotto 6/49 sa susunod na bola nito bukas, Linggo, Nobyembre 22.
Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, wala na namang jackpot winner sa Super Lotto draw na idinaos nitong Huwebes ng gabi na may winning combination na 46-28-49-25-36-16, at may katumbas na jackpot prize na P204,098,203.20.
Dahil dito, inaasahang mas lalaki pa ang naturang premyo hanggang sa susunod na Super Lotto draw.
Mayroon naman aniyang 45 bettors ang muntik nang tumama ng jackpot, matapos na mahulaan ng tama ang lima sa anim na winning combination.
Bawat isa sa kanila ay nakapag-uwi ng tig- P50,000.
Kaugnay nito, hinihikayat naman ni Garma ang publiko na tumaya dahil sa halagang P20 lamang ay magkakaroon na ng tiyansang maging milyonaryo at nakatulong ka pa sa mga nangangailangan nating kababayan.
Ang Super Lotto 6/49 ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.