SUMIPA ang presyo ng manok at itlog sa ilang palengke sa gitna ng mas kaunting suplay at ng tumaas na demand noong holidays
Sa pinakahuling datos mula sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), ang kasalukuyang presyo ng manok sa Metro Manila ay nasa P180 hanggang P220 kada kilo, mas mataas sa year-on-year price na P145 hanggang P180 kada kilo.
Sa paliwanag ng United Broiler Raisers Association (UBRA), ang pagtaas ng demand para sa manok ay dahil mas mura ito kumpara sa karne ng baboy, na nasa P400 kada kilo ang presyo, at beef na P480 ang kada kilo.
Ayon kay UBRA chairperson Gregorio San Diego Jr., ngayong season ay kaunti lang ang nag-alaga ng manok kaya medyo naubos ‘yung mga inaalagaan.
Samantala, sinabi ng Philippine Egg Board Association (PEBA) na nabawasan ang produksiyon ng itlog dahil sa mas mataas na operating expenses ng mga breeder kasunod ng pagtaas ng presyo ng hatchlings at chicken pellets.
Ayon sa PEBA, ang farmgate prices ng medium-sized eggs ay nasa P6.40 hanggang P7 kada piraso, habang ang retail price nito sa mga palengke ay P8.66 hanggang P9 kada piraso.
Dagdag ni San Diego, tuwing holidays ay tumataas ang demand sa itlog dahil maraming gumagawa ng cakes at leche flan.