MATAPOS ang dalawa’t kalahating taon ng pagyanig ng pandemyang COVID-19 sa mundo, tila natututo at nasasanay na ang mga Pilipino na mamuhay ng normal sa gitna ng pandemyang ito.
Ang muling pagbabalik ng trapiko sa daan at pagdami ng mga taong pumupunta sa mga kilalang mall ay isa sa mga senyales nito.
Gayunpaman, ang micro, small, at medium enterprises o MSMEs ay nangangailangan pa rin ng tulong upang malabanan hindi lamang ang epekto ng pandemya kundi pati ang inflation at pagtaas ng interest rate na nakaaapekto sa operasyon ng mga ito.
Sa ginanap na MSME Summit sa Manila Hotel kamakailan, ipinahayag ni Go Negosyo founder Jose Ma. “Joey” Concepcion III ang pangako nitong suportahan ang mga MSME sa bansa sa pamamagitan ng Kapatid Angat Lahat Program.
Layunin ng nasabing programa na siguruhin ang pag-angat ng lahat ng negosyo sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor sa pagpapaunlad ng MSME. Sa kasalukuyan, higit sa 37 sa pinakamalalaking organisasyong pang-neogsyo sa bansa ang nangakong tutulong sa inisyatibang ito.
Sa pamamagitan din ng nasabing programa, magtutulungan ang iba’t ibang miyembro ng pampubliko at pribadong sektor sa pagbibigay- daan sa pagkakaroon ng koneksyon sa ibang negosyo, pagbibigay ng impormasyon ukol sa pagpapatakbo nito, pagbubukas ng mga pagkakataon, at pagbibigay ng kaukulang suporta sa paggawa ng sustainable na business environment para sa mga MSME sa bansa.
Bibigyang patnubay rin ang mga ito sa pagkuha ng mga kaukulang legal na business permit at registration, mga kinakailangang dokumento para makapagsimula ng operasyon, mga kaalaman kung paano gagawing pormal ang maliliit na negosyo, mga opsyon sa pagkuha ng pinansyal na suporta para sa kapital na kinakailangan gaya ng micro loan, at iba pang uri ng kinakailangang gabay at kaalaman.
Kabilang sa nangakong magbibigay ng suporta at pumirma sa kasunduan sina George Barcelon ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Henry Lim Bon Liong ng Federation of Filipino Chamber of Commerce and Industry Inc., Rosemarie Ong ng Philippine Retailers Association, Rogelio Singson ng Management Association of the Philippines, Eric Teng ng RestoPH, Lars Wittig ng European Chamber of Commerce, Chris Nelson ng British Chamber of Commerce of the Philippines, at si Jack Madrid ng IT and Business Process Association of the Philippines.
Ayon sa grupo, maglulunsad sila ng mga programa at inisyatiba na nakatuon sa tinatawag nitong 3M o Mentorship, Money, at Market na naglalayong itulak ang pangkalahatang pag-angat.
Ayon kay Concepcion, ang pagpapaunlad ng MSMEs ay makatutulong sa pagkamit sa layunin ng administrasyon na pababain ang antas ng kahirapan sa Pilipinas. Aniya, nasa 63% ang kontribusyon ng MSMEs sa job creation ng bansa.
Sa aking pagkakaintindi, sanga-sanga ang magiging resulta ng pag-unlad ng MSMEs. Ang pagdami at pag-unlad ng mga MSME ay lilikha ng mas maraming trabaho. Kapag marami ang may trabaho, tataas ang kapasidad ng mga mamamayan sa paggastos, na magreresulta sa pagtaas ng GDP ng Pilipinas.
Ang nasabing istratehiyang ito ni Concepcion, katuwang ang Private Sector Advisory Council (PSAC), ang grupo ng mga lider ng mga negosyo sa bansa, ay alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magkaroon ng pagtutulungan sa pagitan ng labor department at mga MSME.
Nakipag-ugnayan din si Concepcion kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Benny Laguesma ukol sa mga inisyatibang makapagpapataas ng antas ng pagkakaroon ng trabaho sa bansa. Isa sa mga ito ang pagpapadali ng proseso para sa mga mamamayang naghahanap ng trabaho lalo na yaong unang beses pa lamang susubok na maghanap ng trabaho.
Isa ring mungkahi ni Concepcion na tulungan ang mga MSME na mailagay ang kanilang mga produkto at serbisyo sa mga sikat na mall sa bansa upang mas makilala ang mga ito. Ang mataas na singil sa renta ng espasyo sa mga malls ang isa sa mga nagiging hadlang para sa mga MSME para gawin ito.
Kaugnay nito, hinihikayat ang mga sikat na mall gaya ng SM, Robinsons, at Ayala na maglaan ng espasyo para sa mga MSME. Malaking tulong din ito sa kasalukuyang programa ng Department of Trade and Industry (DTI) na Go Lokal kung saan nagsasagawa ito ng mga bazaar at mga caravan para sa mga MSME.
Nawa’y maisakatuparan ang lahat ng planong ito para sa mga MSME dahil sila ang lubos na nangangailangan ng suporta mula sa pamahalaan at pribadong sektor. Maraming mga MSME ang napwersang magsara ng tuluyan o pansamantala dahil sa pandemya.
Ngayong tayo’y unti-unti nang nakababalik sa normal na pamumuhay, sana ay makabalik din ang mga MSME sa operasyon lalo na yaong mga nagsara dahil sa pagkalugi. Ani nga ni PBBM, ayaw niyang may Pilipinong mapag-iiwanan. Kung aangat ang isa, dapat umangat ang lahat dahil ito ang tunay na kahulugan ng maunlad na bansa.