NASA 98% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa libreng matrikula para sa kolehiyo sa mga pampublikong pamantasan.
Ito ang lumabas sa survey ng Pulse Asia na kinomisyon ni Senador Win Gatchalian.
Suportado ang polisiyang ito ng lahat ng economic classes: 99% sa Classes ABC, 97% sa Class D, at 100% sa Class E.
Suportado rin ito sa iba’t ibang mga lugar sa bansa: 98% sa National Capital Region (NCR), 96% sa Balance Luzon, 99% sa Visayas, at 100% sa Mindanao.
Isinagawa ang naturang survey mula Setyembre 10 hanggang 14 ngayong taon.
Ang pagtaas sa bilang ng mga natatapos sa pag-aaral ang pangunahing dahilan kung kaya suportado ng mga Pilipino ang libreng matrikula sa mga pampublikong pamantasan. Para kay Gatchalian, ipinakikita nito ang paniniwala ng mga sinurvey na ang pagtatapos sa kolehiyo ang daan para sa mas maunlad na buhay at mas maraming mga oportunidad.
Nang tanungin ang mga survey respondent kung bakit suportado nila ang libreng kolehiyo, mahigit kalahati (51%) sa 1,200 na adult respondents o kalahok ang nagsabing nagdudulot ito ng mas maraming bilang ng mga graduate.
Lumabas na 52% ng mga kalahok mula Classes D at E, at 45% naman sa Class ABC ang naniniwalang dumarami ang mga graduate kung libre ang matrikula para sa kolehiyo sa mga pampublikong pamantasan.
Sa 1% na hindi pabor sa libreng matrikula sa mga pampublikong pamantasan, halos kalahati ang nagpahayag ng pagkabahala tungkol sa kalidad ng edukasyon, samantalang 47% naman ang nababahala sa kakulangan ng pondo sa mga pampublikong pamantasan.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dahil sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o free higher education law na kanyang isinulong, dumami ang bilang ng mga kabataang pumasok sa kolehiyo.
Noong ipinatutupad na ang libreng kolehiyo mula 2018 hanggang 2022, tumaas sa average na 81% ang progression rate mula senior high school tungo sa kolehiyo. Para sa Academic Years 2013-2014 at 2014-2015, bago ipatupad ang free higher education law, pumalo lamang sa 54% at 62% ang progression rate mula high school hanggang kolehiyo.
“Marami na sa ating mga kababayan ang nakinabang sa libreng kolehiyo, at mahalagang tiyakin nating patuloy nating mabibigyan ng dekalidad at abot-kayang edukasyon ang ating mga kabataan. Titiyakin nating matatanggap ng ating mga SUCs ang suportang kinakailangan nila upang makapaghatid ng dekalidad na edukasyon,” ani Gatchalian.
Para sa fiscal year 2024, tinatayang P4.1 bilyon ang magiging kakulangan sa pondo upang matustusan ang libreng edukasyon sa State Universities and Colleges (SUCs). Nanindigan si Gatchalian na pagsisikapan niyang magawan ng paraan upang mapunan ang kakulangang ito, lalo na’t apektado dito ang kakayahan ng SUCs na mag-invest sa mga pasilidad, mga laboratoryo at iba pang mga resources para matiyak ang dekalidad na edukasyon.
VICKY CERVALES