DINEPENSAHAN ng Department of Agriculture (DA) ang desisyon ng pamahalaan na umangkat ng ilang agricultural commodities tulad ng asukal, at sinabing suportado ito ng datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“Our policy in importation is based on data that we collect in coordination with the PSA. [We hope] that the UNIFED’s (United Sugar Producers Federation) argument should also be data-based,” sabi ni Agriculture Secretary William Dar sa Laging Handa briefing.
Ito ay makaraang kuwestiyunin ng UNIFED, ang pinakamalaking umbrella organization ng sugar producers ng bansa, ang pag-angkat ng 200,000 metric tons (MT) ng refined sugar sa kasagsagan ng milling season.
Binigyang-diin ni Dar na may sapat na supply ng pagkain ang Pilipinas maliban sa commodities na gaya ng asukal, na ang kakulangan ay inaasahan sa first at second quarter ng 2022.
Idinagdag niya na ang pre-final crop estimate ng raw sugar production ay bumaba sa 2.072 MT mula sa 2.099 MT pre-final crop estimate bago ang pananalasa ng bagyong Odette noong Disyembre ng nakaraang taon, na ang iniwang pinsala sa sugar industry ay tinatayang nasa P1.2 billion.
“Our refined sugar consumption’s monthly average for 2020 and 2021 is at 82,554 MT (metric tons) and currently, our refined sugar balance is only at 54,355 MT. So, we badly need to supply the gap. There is no truth to corruption claims in the importation process. We are only bridging the gap in the food supply to ensure food security of the country, especially at this time of pandemic,” paliwanag pa ng DA chief.
Noong February 8 ay inanunsiyo ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang pag-aangkat ng 200,000 metric tons (MT) ng standard at bottlers grade (premium refined) sugar bilang paghahanda sa inaasahang shortfall.
Subalit noong February 11 ay nagpalabas ang Sagay City, Negros Occidental Regional Trial Court Branch 73 ng 20-day temporary restraining order laban sa pag-angkat ng asukal makaraang maghain ang Rural Sugar Planters Association Inc, ang member association ng UNIFIED, ng kaso para sa injunction laban sa hakbang ng SRA.
Itinakda ng korte ang pagdinig sa motion for the writ of the preliminary injunction sa February 24. PNA