SUPORTAHAN ANG ADMIN NI BBM

Joe_take

MOVE on. Dalawang salita na palagi nating naririnig mula sa ibang tao sa tuwing sila ay dumadaan sa mga pagsubok, nasirang relasyon, o sitwasyon na hindi naaayon sa kanilang kagustuhan o inaasahan. Tila angkop na gamitin ang dalawang salitang ito sa ating bansa ngayon at napakaraming mga Pilipino ang hindi pa rin tanggap ang resulta ng nakalipas na halalan.

Kung ating makikita sa social media o sa publiko, tuloy pa rin ang mga reklamo ng maraming Pilipino ukol sa pagkapanalo ni presumptive President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at bintang na mayroon umanong pandarayang naganap noong nagdaang eleksiyon.

Ultimo painting at umano’y victory party sa isang mamahaling resort at hotel ay naging isyu rin sa kanila.

Higit pa rito, ilan ding mga grupo ang nagbabanta ng protesta at pakikibaka upang labanan ang opisyal na pag-upo ni BBM sa Malacanang sa susunod na buwan.

Kung tutuusin ay ilang araw na ang nakalipas mula noong aktuwal na eleksiyon, at sa pamamagitan ng mga pre-election survey bago ang aktwal na halalan ay nabigyan na rin tayo ng ideya na si BBM na ang napupusuan ng mga Pilipino na mamuno sa ating bansa.

Mismong ang 31 milyong Pilipino na ang nagsalita, at si BBM ang nais nilang mamuno.

Dagdag pa, hindi na dapat ito ang pinagtutuunan natin ng pansin sapagkat napakarami pang mahahalagang bagay ang mas nangangailangan ng ating atensiyon, at ilan na lamang dito ang paghahanap ng mga solusyon sa muling pagbangon ng ating bansa mula sa COVID-19, pagresolba sa isyu ng patuloy na pagtaas ng halagan ng langis, at patuloy na pagkakalat ng mga maling impormasyon.

Naging napakalaking dagok na ang epekto ng COVID-19 hindi lang sa ating pisikal na kalusugan, kundi pati na rin sa ating mental health at ang patuloy na negatibong diskurso sa social media ay hindi makatutulong sa ating sariling pag-unlad.

Bagkus, maging susi  sana tayo sa progreso sa ating sarili at mga kapwa tao sa pamamagitan ng development discourse upang sa gayon ay mas maayos nating maipaalam sa kanila ang impormasyon na nais nating ipamahagi, alang-alang sa ngalan ng katahimikan, kapayapaan, at pag-unlad ng Pilipinas.

Ang proseso ng halalan ay itinatag upang magkaroon tayo ng isang mapayapa, matagumpay, at patas na halalan. Kailangan itong respetuhin at pagkatiwalaan ng mga Pilipino.

Tanggapin natin ang katotohanang hindi lahat ng ating ninanais ay ating makukuha, at ang tanging solusyon dito ay ang paglaban sa mapayapang paraan katulad ng pamamahagi ng mahahalagang impormasyon.

Kung ang mga malalaking ekonomiya katulad ng Estados Unidos at Japan ay naghayag na ng kanilang suporta sa susunod na pangulo, dapat ay tayo ring mga Pilipino.

Hindi pa man nagsisimula ang bagong administrasyon ay napakarami na ang tumutuligsa. Bigyan natin sila ng pagkakataon na patunayan ang kanilang kakayahan sa pamumuno at pangangasiwa ng ating bansa. Huwag tayong bumase lamang sa mga nangyari sa nakaraan. Ika nga ni BBM, “judge me not by my ancestors, but by my actions.”

Hindi naman masama ang maging pala-puna, ngunit hindi rin angkop na punahin natin ang pagkatao ng isang indibidwal bago pa man ito pormal na umupo sa pinakamataas na pwesto at patunayan ang kaniyang sarili.

Kung mayroon man ay ituon natin ang ating pagpuna sa kanilang mga programa o plataporma na maaaring magdulot ng hindi magandang epekto sa ating bansa.