SUPORTAHAN NATIN ANG ATING MGA MANUNULAT AT MAMBABASA

(Pagpapatuloy…)
KARAPAT-DAPAT na bigyang-halaga ang mga pagsisikap upang itaguyod ang lokal na panitikan sa pandaigdigang larangan.

Kinikilala natin ang mga hakbang na ito para sa kanilang ambag tungo sa pagkilala sa talento ng Pinoy sa buong mundo. Sa pamamagitan ng pagsali sa mga global book festivals at iba pang katulad na mga aktibidad, ang ating lokal na mga akda ay nakararating sa mga mambabasa sa buong mundo, na siya namang nagpapalakas sa ating boses sa pandaigdigang entablado.

Bagama’t mayroong pag-unlad kaugnay ng pagtatayo at pagpapalawak ng mga silid-aklatan sa buong bansa, nananatiling may matinding pangangailangan pa rin na dagdagan ang puhunan para sa mahalagang proyektong ito.

Sa madaling salita, marami pa ring Pilipino na naninirahan sa mga liblib na lugar ang hindi naaabot ng mga aklat at iba pang reading at learning resources.

Bukod pa rito, ang pagdami ng mga piniratang mga aklat sa iba’t ibang online platforms ay nagdudulot ng malaking hamon sa mga karapatan ng mga may-akda at maging mga publishers. Upang masugpo ang suliraning ito, kailangan ng sama-samang pagsisikap at aksyon mula sa mga grupo at ahensiya ng pamahalaan na sangkot sa usaping ito upang mapangalagaan ang mga karapatang-ari at upang itaguyod ang makatarungang pamantayan sa panahon ng internet.

Totoong may agarang pangangailangan na tugunan ang mga kakulangan sa usaping ito dahil ang mga digital platforms at mga bagong teknolohiya ay may malaking papel na ginagampanan sa paghubog ng mga paniniwala at gawi/ugali ng publiko tungkol sa pagbabasa.

Maaaring masabi na gasgas na ang pagkakaroon ng mga influencer o mga huwaran/modelo upang makatulong sa pagtataguyod ng lokal na panitikan. Gayunpaman, ang kanilang boses ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa opinyon ng publiko.

Ang mga kilalang personalidad sa literatura, mga guro, at mga sikat na tao ay maaaring gumamit ng kanilang kani-kaniyang plataporma upang makatulong sa pagbabahagi ng mensahe tungkol sa pagtangilik sa sarili nating mga aklat, kultura, akda, at mga manlilikhang Pinoy. Sila ay maaaring maging inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga mambabasa at manunulat at magtulak ng patuloy na pag-unlad ng ating loka na komunidad sa panitikan.