LIBO-LIBO ang mga kababayan natin na nasa ibang bansa.
Ang iba ay doon na naninirahan habang marami rin ang nagtatrabaho bilang overseas Filipino workers (OFWs).
Hindi na bago sa ating pandinig ang pangyayaring ito dahil dito sa ating bansa, kakaunti lamang ang mga pagkakataon o oportunidad na makapagtrabaho nang may matataas na suweldo.
Pinipili nilang maging OFWs sa kagustuhang mabigyan ng maginhawa at nakaaangat na buhay ang kanilang pamilya.
Tunay na malaki ang ambag ng mga OFW sa ating ekonomiya.
Dahil kasi sa perang kanilang ipinadadala, natutustusan ang pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Siyempre, tinutulungan din nila ang Pilipinas sa pamamagitan ng dollar remittances na pumapasok sa atin.
Ngunit kung maraming sinusuwerte, mayroon ding minamalas.
Kaya importanteng may mga akmang tao na inilalagay sa mga ahensiya ng gobyerno na tumututok sa kapakanan ng mga OFW at ng kanilang pamilya tulad na lamang ni TV personality Arnaldo Arevalo “Arnell” Ignacio na itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang bagong administrador ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Si Ignacio ay iniluklok na noong 2018 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang OWWA deputy administrator.
Nilisan niya nga lang ang kanyang puwesto noong Pebrero 2019 dahil daw sa “personal reasons.”
Siya ay nagtapos ng kursong political science sa University of Makati.
Dati rin siyang nagsilbi bilang assistant vice president for community relations and services ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Ni-reappoint si Ignacio bilang deputy admin ng OWWA noong Setyembre 2021.
Papalitan niya si Admin Hans Cacdac na ilalagay naman daw sa Department of Migrant Workers (DMW) bilang Undersecretary on Welfare and Foreign Employment.
Kung maaalala ninyo, una nang na-appoint si Ms. Susan “Toots’’ Ople bilang kalihim ng DMW habang si Philippine Overseas Employment Administration (POEA) chief Bernard Olalia ay magsisilbi na ngayon bilang officer in charge (OIC) ng ahensya.
Usec. for Licensing and Adjudication ng POEA daw ang pinaka-posisyon ni Olalia at habang hindi pa ito ‘fully constituted’ ay magiging OIC muna siya.
Pawang mga de kalibre ang nasabing mga opisyal lalo na si Ignacio na matagal na nating kilala bilang tunay na may malasakit at may pagmamahal sa ating mga kababayan sa ibayong dagat.
Ang mga OFW ang pinakamalaking kumikita ng dolyar para sa ating bansa.
Kada isang taon, hindi bababa sa P7 bilyong dolyar ang naipapasok ng mga OFW sa ating ekonomiya.
Aba’y ang malimit mabanggit naman na suliranin ng mga OFW ay ang pagwawaldas ng pera na ipinadadala nila sa kanilang mga pamilya.
Ang iba naman, inuubos ang padala sa pagpapagawa ng magagarang bahay sa halip na ipundar ito sa maliit na negosyo na maaari pa nilang pagkakitaan.
Kaya ang nangyayari, sa bandang huli ay balik na naman sila sa dati nilang hirap na kalagayan at muling bibiyahe sa ibang bansa upang magtrabaho.
Upang malutas ang ganitong mga suliranin, binibigyan ng DOLE at ng OWWA ng pagsasanay ang mga OFW at ang kanilang asawa o pamilya sa mga maaaring gawin sa mga ipinadadalang pera sa kanila.
Halimbawa, tinuturuan sila kung paano magsimula ng maliit na negosyo.
Sa ganitong paraan, mapapalago ang kanilang perang pinaghirapan sa ibang bansa at ito ang nagiging gabay nila sa pagpapaunlad ng kanilang buhay.
Kaya mahalaga na nariyan ang mga tulad nina Ignacio at Ople na mahuhusay at may kasanayan para mapaglingkuran ang mga OFW na sumasagip sa ekonomiya ng bansa.
Malaki ang utang na loob natin sa mga OFW kaya nararapat na ibalik natin sa kanila ang ginagawa nilang pagsasakripisyo.