ISANG surprise drug test ang isasagawa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) o mga preso sa mga kulungan na pinamamahalaanan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ang aksyon ni Abalos ay kasunod ng mga ulat na may big-time drug lords ang umano’y nag-ooperate sa loob ng mga piitan.
“I will personally go to our jails and I will be conducting surprise drug testing of BJMP personnel and PDLs in those jails. Magpapa-urinalysis ako sa jails. So I’m warning each and every BJMP warden and personnel, kapag may nagpositive, then it means na may nakapasok na droga sa mga jail facilities natin,” pahayag ni Abalos sa isinagawang command visit sa BJMP National Headquarters.
Aniya, nagagawa ng mga drug lord na mag-operate sa loob ng mga bilangguan dahil mayroong komunikasyon at contacts ang mga ito sa labas kaya inirekomenda niya ang paggamit ng signal jammers upang maputol ang komunikasyon ng mga ito.
Kasabay nito, inatasan din ni Abalos Jr. ang BJMP na magsagawa ng medical screening at physical exams para sa mga PDL bago sila ipasok sa piitan.
“Kung pwede tayong mag-conduct ng test para sa TB (tuberculosis), test para sa HIV at hepatitis para sa PDLs, mas mainam kapag magawa natin ito. After all, at risk ang greater population sa loob ng mga jails kung may infected na individual,” ani Abalos.
Nabatid na hanggang noong Hunyo 30, 2022, ang BJMP ay mayroon nang kabuuang 131,193 PDLs sa may 477 bilangguan sa buong bansa. Ito ay 387% congestion rate kung saan 337 jails ang congested.
“Mas mabilis ang infection kapag siksikan sa facilities natin. And now we have the problem of Monkey Pox. So what I want is for us to come up with a memorandum circular on the prevention and response of the BJMP in relation to Monkey Pox,” ayon pa kay Abalos.
Idinagdag pa ni Abalos na dahil sa problema sa mga siksikang bilangguan, na may kabuuang 18,696 jail personnel na nagbabantay sa mahigit 131,000 PDLs, dapat na mag-isip ang BJMP ng ibang paraan upang masolusyunan ito.
Tiniyak rin ng DILG chief na bibisitahin niya ng madalas at magsasagawa ng inspeksiyon sa lahat ng mga jail facilities sa buong bansa upang magsagawa ng drug testing sa mga bilanggo at maging BJMP personnel. EVELYN GARCIA