TULOY ang pagsuspinde sa oil excise tax increase sa first quarter ng 2019, ayon sa Department of Finance (DOF).
Gayunman, nais ng DOF na agad na maipagpatuloy ang pagpapatupad ng increased oil excise tax kapag bumalik ang average global prices sa below $80-per-barrel threshold.
Ayon kay Finance Secretary Carlos G. Dominguez III, dahil ang suspensiyon ay magkakabisa sa Enero 1, 2019, magkakaroon ng sapat na panahon ang Malakanyang na talakayin ang rekomendasyon ng economic team.
Sinabi ni Dominguez na magsasagawa ng pagrepaso matapos ang unang tatlong buwan ng excise tax suspension upang malaman kung ang rolling global oil price average sa naturang panahon ay mas mababa sa $80 per barrel upang maibalik ang buwis na ipinataw sa produkto.
Napag-alaman na iminungkahi ng DOF na isama ang isang probisyon sa alituntunin sa fuel excise sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act, na nagsasaad na: “In the event that there is suspension of the implementation of the scheduled increase in excise tax and when at any given time within the year, the three-month rolling average Dubai Crude Oil price based on MOPS falls below $80 per barrel, the scheduled increase for that year shall resume.”
“The resumption of the increase in excise tax shall apply for the rest of the year,” ayon pa sa panukala ng DOF.
Gayunman, sinabi ni Finance Undersecretary Karl Kendrick T. Chua na hindi pa aprubado ang naturang panukala.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuspinde sa P2 excise tax sa langis na epektibo sa Enero ng susunod taon alinsunod sa rekomendasyon ng economic managers nito.
Ayon sa Malakanyang, ito ang nakikitang solusyon ng Pangulo sakaling magpatuloy pa ang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ilalim ng TRAIN Law, simula sa 2018, ang diesel at bunker fuel ay papatawan ng excise tax na P2.50 per liter. Tataas ito sa P4.50 sa 2019, at sa P6 sa 2020.
Comments are closed.