‘SUSTAINABLE TOURISM’

FRANICS TOLENTINO

TANYAG ang Filipinas sa buong daigdig sa angking kagandahan ng kanyang kapaligiran.  Noong nakaraang taon, naitala ang bilang ng mga turistang bumisita sa bansa sa 6,620,908, 11 porsiyentong mas mataas kung ihahambing sa datos noong 2016.

Kalimitang binibisita ng mga dayuhan  ang ating mga isla at kinasasabikan nila ang makukulay nating  mga pista tulad ng Sinulog at Dinagyang. Ngunit sa kabila ng patuloy na pag-angat ng turismo sa bansa, hindi maiiwasang lumutang ang katanu­ngang: kumusta naman kaya ang epekto ng yumayabong na turismo sa ating kalikasan?

Ilang araw na lamang at muling mabubuksan sa mga manlalakbay ang napakagandang isla ng Boracay. Matatandaang ipinasara ang nasabing isla upang mapanumbalik ang linis at ganda ng lugar na unti-unti nang nasisira dahil sa kapabayaan at pag-abuso sa kalikasan.  Bagama’t maraming mga residente ang naapektuhan sa pagtigil ng operasyon sa Boracay, ang hakbang na  ito upang mapangalagaan ang kalikasan ay para rin sa mas pangmatagalang pakikinabang ng mga mamamayan doon at sa pagpapatuloy  at pagpapalakas ng turismo sa isla at maging sa buong bansa.

Lubhang mahalaga ang balanse sa pagitan ng paglago ng turismo at kabuhayan at ang pagpapanatili ng yaman ng kalikasan.

Ang turismo ay nakasalalay sa maayos na pangangalaga ng kapaligiran sapagkat ang likas na kagandahan at ka­yamanang kultural ang madalas na nakaaakit  sa mga dayuhan upang magtungo sa isang lugar.

Gayundin naman, ang isang umuunlad na industriya ng turismo ay makatutulong sa panga­ngalaga sa kalikasan sa pamamgitan ng pag­likha ng mas malalim  na ka­malayan sa mga mamamayan tungkol sa benepisyo ng pagpapanatili ng malinis at kaaya-ayang kapaligiran.

Ang isang responsableng programa sa turismo na nagsasaalang-alang sa  pagpapanatili ng likas na ganda at yaman ng ating kapaligiran ay tunay na makapaghahatid sa ating bansa sa pangkalahatang  pag-unlad na nilalayon ng ating pamahalaang nasyunal. Mahalagang tungkulin ang gagampanan ng mga mamamayan sa pagsusulong ng turismo at pa­ngangalaga sa kalikasan.

Ang kanilang pakikiisa sa mga hakbangin upang maprotektahan ang kalikasan at magamit ito sa paraang makikinabang nang lubos ang kanilang komunidad ay siyang magpapanatili ng balanse sa pagitan ng panturismong pag-unlad at ng isang kapaligirang magbibigay biyaya sa kanila sa mahabang panahon.

Comments are closed.