SUV BUMULUSOK SA BANGIN

ACCIDENT

MOUNTAIN PROVINCE – NASA ligtas nang kalagayan ang driver ng sports utility vehicle na nahulog sa 20 taas ng bangin sa Barangay Alab sa Bontoc.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, papuntang Bontoc ang nasangkot na SUV nang ito ay mahulog sa bangin pagkalampas nito sa tunnel sa Sitio Daligdig/Matao, Alab proper.

Isinugod naman kaagad sa Bontoc General Hospital ang driver na taga-Sabangan, Mountain Province na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang ang sasakyan nito ay nayupi dulot ng insidente.

Masusing naghanap ang mga rumesponde ng iba pang pasahero ng sasakyan pagkatapos na sinabi ng driver na mayroon pa siyang ibang kasama pero sa kalaunan ay napag-alamang mag-isa lang pala ito.

Nagpapasalamat ang Bontoc MPS sa malaking tulong ng buong komunidad ng Alab at ng mga kaakibat na ahensiya sa agarang pagresponde sa mga ganitong insidente.

Kabilang sa mga nag­responde sa lugar ay si Barangay Alab Kapitan Hye Bellang, mga tauhan ng Bontoc Municipal Police Station, Bontoc Bureau of Fire Protection, Provincial Disaster Risk Reduction Management Office at Bontoc Municipal Health Office.

Muling pinapaalalahanan ng kapulisan at ng lokal na pamahalaan ng Bontoc ang mga motorista na magdoble ingat sa pagmamaneho, masusing siyasatin ang sasakyan bago bumiyahe o iwasang magmaneho kapag puyat o wala sa kondisyon.

Bukod sa insidenteng ito, nananatili namang payapa ang pagdiwang ng Semana Santa sa mga nagdaang araw rito sa munisipyo ng Bontoc. PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.