SUZARA VOLLEYBALL NSA PREXY

Ramon Suzara

NAHALAL si Ramon ‘Tats’ Suzara bilang presidente ng bagong national sports association (NSA) para sa volleyball, ang Philippine National Volleyball Federation Inc. (PNVFI), sa eleksiyon na idinaos sa East Ocean Seafoods Restaurant sa Parañaque City kahapon ng hapon.

Ang election proceedings ay pinangasiwaan ng Philippine Olympic Committee (POC), alinsunod sa kahilingan ng  FIVB, ang world governing body ng volleyball.

Ang  resulta ng eleksiyon ay ipiprisinta sa FIVB World Congress na nakatakda sa February 5-7, kung saan ang bagong NSA ay inaasahang bibigyang pagkilala ng federation.

Sinulatan ng FIVB ang POC noong December para hilinging magsagawa ng  eleksiyon ng mga bagong opisyal dahil hindi nito kinikilala ang alinman sa Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) at Philippine Volleyball Federation (PVF) bilang lehitimong NSA.

Si LVPI secretary-general Ariel Paredes ang nahalal na chairman, habang si PVF vice-president Arnel Hajan ang vice-president.

Nahalal naman si Donaldo Caringal bilang secretary-general, habang si Rod Roque ang treasurer at auditor si Yul Benosa.

Ang mga board member ay sina  Ricky Palou, Tony Boy Liao, Karl Chan, Carmela Gamboa, Charo Soriano, Fr. Vic Calvo, atbAtty. Wharton Chan ng POC.

May kabuuang 31 balota ang binilang kung saan tinanggap ni Suzara ang lahat ng 31 boto para sa presidency.

Comments are closed.