Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7 p.m. – San Miguel vs Alaska
SISIKAPIN ng defending champion San Miguel Beer na umabante sa finals via sweep laban sa Alaska sa Game 3 ng kanilang best-of-five semifinals series sa PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Hawak ang 2-0 bentahe, isang panalo na lamang ang kailangan ng Beermen upang umusad sa best-of-seven finals kung saan makakasagupa nito ang magwawagi sa Barangay Ginebra at Rain or Shine.
Nakatakda ang salpukan ng Beermen at Aces sa alas-7 ng gabi.
Sinabi ni SMB coach Leo Austria na hindi sila maaaring magpabaya dahil may kakayahan ang Alaska na makabalik sa serye.
“We have to play our best out there. We have to put our act together and play as a team like we did in the first two games. Playing as a team is the key to victory,” sabi ni Leo Austria.
“Of course, we do not want to be complacent and over confident against Alaska. The team is dangerous capable of turning the table upside down. We have to be prepared to meet all challenges coming our way,” wika pa ni Austria.
Magkatuwang na pinahirapan nina import Renaldo Balkman at June Mar Fajardo ang Alaska sa Game 2 at muling magsasanib-puwersa ang dalawa, kasama sina Alex Cabagnot, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Chris Ross at Kelly Nabong.
Desperado na si Alaska coach Alex Compton at inatasan niya ang kanyang mga bataan na gawin ang lahat para mapigilan ang SMB sa pag-abante sa finals.
Inamin ni Compton na nasa alanganin ang kanilang kalagayan at kailangang maglaro sila nang husto para manalo at bigyang buhay ang kanilang title campaign.
Muling sasandal si Compton kay import Diamon Simpson, katuwang ang mga locals na sina Vic Manuel, JV. Casio, Chris Banchero, Sonny Thoss, Kevin Racal, Simon Enciso, Nonoy Baclao at rookie Jeron Teng. CLYDE MARIANO
Comments are closed.