IGINAWAD sa Gilas Pilipinas Girls ang 20-0 win matapos ang forfeiture mula sa Syria upang makumpleto ang group stage sweep sa 2024 FIBA U18 Asia Cup Division B nitong Miyerkoles sa China.
Dahil dito, ang youthful squad na ginagabayan ni Julie Amos ay umangat sa walang dungis na 3-0 kartada sa Group B upang kunin ang isang semifinals berth sa torneo.
Ayon sa FIBA website, ang Syria ay hindi na naglaro makaraang ma-forfeit din ang mga laro nito kontra Lebanon at Maldives.
Ang kampeon sa torneo ay uusad sa 2026 FIBA U18 Women’s Asian Championship.
Ang Gilas Girls ay galing sa back-to-back wins laban sa Maldives at Lebanon para sa 2-0 simula.
Kontra Maldives, ang koponan ay sumandal sa maiinit na kamay ng duo nina Jolzyne Impreso at Alicia Villanueva, na kapwa kumamada ng 18 points sa kanilang lopsided 141-18 victory.
Nagbida naman si Naomi Panganiban kontra Lebanese side, nagbuhos ng 25 points na sinamahan ng 7 rebounds, 8 assists, at 4 steals habang nagposte si Gab Ramos ng double-double na 12 points at 19 rebounds.
Nakatakda ang Final Four sa Sabado kung saan makakasagupa ng Gilas ang magwawagi sa qualification round sa semifinals, na paglalabanan ng Samoa at Lebanon o Maldives.