TAAL MINIMAL ANG EPEKTO SA EKONOMIYA

NEDA Undersecretary Adoracion Navarro

TINIYAK ng National Economic and Development Authority (NEDA) na halos walang magiging epekto sa ekonomiya ng bansa ang pag-aalboroto ng Bulkang Taal maliban na lamang kung magkaroon ng major eruption.

Ayon kay NEDA Undersecretary Adoracion Navarro, mas mababa pa sa isang porsiyento ang kontribusyon sa Gross Regional Domestic Product (GRDP) ng Calabarzon, ang mga lugar na apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.

Aniya, batay sa datos ng NEDA, noong 2018 ay nasa .17% lamang ng GRDP ng Calabarzon ang naiambag ng mga lugar na kabilang sa 14 kilometers radius danger zone ng Bulkang Taal.

Sinabi ni Navarro na katumbas lamang ito ng mahigit P4.3-B.

Samantala, ang mas malawak na 17-kilometer radius ay nakapag-ambag ng 0.26% sa GRDP ng rehiyon, na katumbas ng P6.657 billion.

“We will adjust our assessment of economic impact in case there will be a violent eruption,” ani Navarro.

Target ng pamahalaan ang 6.5% hanggang 7.5%  economic growth ngayong taon, mas mababa sa original goal na 7.0% hanggang 8.0%.

Sa kanyang panig ay sinabi naman ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na pansamantala lamang ang magi­ging epekto ng pag-aalboroto ng Taal sa kahirapan.

“Filipinos are resilient, and also it’s in our culture to help – malasakit and bayanihan, so I think it’s going to have a momentary or passing effect on poverty, but I think in the end poverty will continue to climb down,” paliwanag niya.

Target ng pamahalaan na mabawasan ang poverty incidence rate sa 11% sa 2022, mula sa orihinla na target na 14%.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang poverty incidence ay bumaba sa 16.6% noong 2018 mula sa 23.3% noong 2015.    PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.