INAASAHANG tatagal pa hanggang Disyembre ang taas-presyo sa petrolyo, ayon sa Department of Energy (DOE).
Sinabi ni DOE Oil Management Bureau Director Rino Abad na sa kaagahan ng taon ay nagbawas ng oil production ang Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) cartel kasama ang Russia.
Ayon kay Abad, base sa pagtaya ng OPEC at ng International Energy Agency, ang pagbabawas ng oil production ay tatagal hanggang sa katapusan ng taon.
Noong nakaraang buwan, aniya, ay umabot sa 3 million barrels per day ang fuel shortage, subalit sinabi ng IEA na ang inaasahang shortfall ay maaaring bumaba sa 500,000 barrels per day bago matapos ang taon.
“Mayroon tayong ini-expect na mataas pa rin na price because of the tightness, remaining tightness towards the end of the year,” ani Abad.
Kahapon ay nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng panibagong price increase.
Ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P2.00, diesel ng P2.50, at kerosene ng P2.00.
Ito na ang ika-10 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-11 na sunod para sa diesel at kerosene.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Setyembre 12, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P15.50 kada litro, diesel ng P11. 10 at kerosene ng P7.94 kada litro.