TAAS-SINGIL SA TOLL FEE SA NLEX

INAPRUBAHAN na ng Toll Regulatory Board ang ang rate hike sa North Luzon Expressway (NLEX) matapos na makumpleto ang Harbor Link project nito noong nakaraang Hunyo.

Ayon sa NLEX Corp, magkakaroon ng P4 pagtaas sa open system at  P0.06 per kilometer sa closed system simula sa Miyerkoles, Nob. 25, alas-12:01 ng umaga.

“Motorists traveling within the open system through Class 1 vehicles, or those using regular cars and SUVs, will pay an additional P4. Class 2 vehicles, or buses and small trucks, will pay an additional P10. Class 3 vehicles, meanwhile, will pay an additional P11,” nakasaad sa advisory ng kompanya.

Sakop ng open system ang Quezon City, Caloocan City, Valenzuela City, Malabon City, Navotas City, Meycauayan City at Marilao sa Bulacan.

Ang mga sasakyan sa end-to-end travel mula Metro Manila patungong Mabalacat City sa Pampanga ay sisingilin ng karagdagang P9, P20, at P25 per class, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Ayon sa NLEX, ang toll hike ay mas maaga pa sanang ipinatupad subalit ipinagpaliban ito dahil sa epekto sa ekonomiya ng lockdowns na ipinatupad sanhi ng COVID-19 pandemic.

“The new section has also reduced commuting time along Metro Manila’s east to west corridor between the Mindanao Avenue Toll Plaza and the Port Area in Manila to just 20 minutes,” pahayag ng NLEX.

Ang P7-billion NLEX Harbor Link elevated section ay may habang 2.6-kilometers sa pagitan ng bagong Caloocan Interchange sa C3 Road at 5th Avenue at ng Navotas Interchange sa kahabaan ng  R-10 at Mel Lopez Boulevard.

Ang pinakabagong elevated section ay tinatampukan din ng bagong Caloocan Interchange na may on at off ramps sa Grace Park, ng bagong Malabon Exit na may off ramp sa Dagat-Dagatan Avenue, at ng bagong Navotas Interchange.

Pinalawak ng Harbor Link ang NLEX network sa Camanava area (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela City).

Comments are closed.