TAAS-TARIPA NG PPA ECONOMIC SABOTAGE?

HABANG humaharap ang sambayanang Pilipino sa walang katapusang taas-presyo ng langis, patuloy namang nagmamatigas ang Philippine Ports Authority (PPA) na ipatupad ang matinding pagtaas ng taripa sa mga pantalan.

Pangunahing tungkulin ng pamahalaan ang patatagin ang ekonomiya, ngunit tila lalong pinahihirapan ng PPA ang mga mamamayan na hindi na mapagkasya ang arawang kita sa taas ng bilihin.

Sa halip na maglatag ang  pamahalaan ng mgahakbang laban sa epekto ng digmaan sa pagitan ng Russia at ng Ukraine, ang PPA ay nakatuon sa paglipat ng pamamahala ng mga pantalan sa dalawang big-time na negosyante na bitbit ang biglang taas na singil sa taripa na  nagdudulot naman ngpagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Dalawang kompanya lamang ang nangingibabaw sa mga bidding para sa mga kontrata ng pantalan. Ang mga ito ay ang JV ng Harbour Centre Port Holdings na pagmamay-ari ni Congressman Mikee Romero, at ang Prudential Customs Brokerage Services, Inc. (PCBSI) ni Rommel Ibuna.  Ang JV ay nakuha ang kontrata para sa pantalan ng Zamboanga, Iligan, Tacloban, Matnog, Pulupandan, Nasipit, Ozamiz, at Surigao; habang ang PCBSI ay nanalo ng kontrata para sa pantalan ng Calapan, Puerto Princesa, Ormoc, Legazpi, at Tabaco.1

Ang pantalan ng Puerto Princesa ay nagtala ng taas-taripa na umabot sa 700% para sa semento at bakal, mula P4 hangang P30, at 100% para sa asukal, mula P10 hanggang P20.  Tinatayang magiging triple ang pagmahal ng asukal at iba pang pangangailangan.

Sa pantalan naman ng Tacloban, ang pagtaas ng taripa kada bag ay umabot ng 83% sa asukal, mula P3.98 hanggang P7.28; 62.5% sa harina mula P2.24 hanggang P3.64; 50% sa bigas mula P4.85 hanggang P7.28; 572% sa semento mula P3.26 hanggang P21.90; at 412% sa feeds at fertilizers mula P5.94 hanggang P30.40.3

Batid ng lahat na kapag tumaas ang taripa sa asukal, harina, bigas, semento, feeds at fertilizers, nagreresulta ito sa pagtaas ng presyo ng bilihin.  Bukod sa pagpapabuti ng lasa ng pagkain, ang asukal ay ginagamit din upang magbigay ng texture at bilang isang natural preservative.  Ang harina ay ginagamit sa paggawa ng tinapay, pasta at cake; feeds ang ipinapakain sa livestock katulad ng manok, baboy at baka; at fertilizers sa pataba ng mga tanim na gulay at prutas.

Mismong ang National Economic and Development Authority (NEDA) na may responsibilidad para sa pagpapalago at pagpaplano ng ekonomiya ay nagpasa ng resolusyon na hinihiling na isuspinde ng PPA ang pagpapatupad ng mga bagong taripa sa Eastern Visayas, gayundin sa Zamboanga.4

Inireklamo rin ng Philippine Inter-island Shipping Association (PISA) ang maraming pagtaas ng PPA sa singil sa pantalan.  Sinabi ni PISA Executive Director Pedro Aguilar na humihingi sila sa PPA ng malaking bawas sa mga singil nito upang matulungan ang shipping industry na dumaranas ng taas-presyo sa langis.  Subalit hanggang ngayon ay hindi pa tumutugon si PPA Ge­neral Manager Jay Santiago.  PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM