CAMP CRAME – PINAALALAHANAN ni PNP OIC PLt. Gen. Archie Gamboa ang mga pulis na overweight na magbawas na ng timbang.
Ginawa ito ni Gamboa sa kanyang unang press conference sa taong 2020, kasabay ng pahayag na may mga “sanction” para sa mga pulis na hindi maka-comply sa tamang Body mass index (BMI).
Aniya, ang mga pulis na wala sa tamang timbang ay hindi papayagan na makapag-schooling, na requirement para sa promosyon.
Pahayag ni Gamboa na lahat ng pulis mula sa kanya, hanggang sa regional directors, sa pinaka mababang pulis ay kailangang nasa maayos na pangangatawan.
Hindi lamang aniya ito para sa imahe ng PNP kundi para na rin sa magandang kalusugan ng mga pulis.
Aniya, responsibilidad ng bawat pulis na pangalagaan ang kanilang sariling kalusugan para ma-enjoy ang kanilang retirement.
Matatandaang noong panahong si Sen. Panfilo Lacson ang PNP chief, araw-araw niyang pinag-eehersisyo ang mga opisyal na may malaking tiyan, at nagbantang sisibakin sa tungkulin ang mga hindi makapagbawas ng timbang.
REA SARMIENTO
Comments are closed.