HINDI na aabutin pa ng tinatawag na base surge ang Tagaytay City sakaling mangyari na ang major eruption ng Bulkang Taal.
Ayon kay PHIVOLCS Director Undersecretary Renato Solidum, masyado nang mataas ang Tagaytay City kaya bagaman pasok ito sa 14 kilometer radius danger zone ay hindi na ito aabutin pa ng base surge.
Ang base surge ay ang mabilis na daloy ng mga pinaghalong pira-pirasong bato at abo na may halong mainit at umaasong singaw.
Una nang ibinabala ni Solidum ang panganib na dala ng base surge na katulad ng mga nangyaring pasabog ng Bulkang Taal noong 1754, 1911 at 1965 kung saan naging horizontal o pahalang ito.
“Tulad ng Tagaytay na kahit nasa 13-14 km sila ay masyado na silang mataas para abutin ng base surge na ang galaw ay paganito. Pagdating sa kaldera, yung slope dahil parang rampa yun pwede siyang umangat pero sa aming pagma-mapa at pag-aanalyze hindi aabutin yung Tagaytay ridge,” ani Solidum. DWIZ 882