TAGLE, NANAWAGAN NG TUNAY NA DEBOSYON SA NAZARENO

tagle

NANAWAGAN kahapon si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga deboto na magpakita ng tunay na debosyon sa Poong Nazareno at nagbabala naman laban sa pagiging ‘panatiko’ lamang ng mga ito.

Sa kanyang homiliya sa idinaos na midnight mass para sa pista ng Itim na Nazareno na isinagawa sa Quirino Grandstand nitong Miyerkoles, ipinaliwanag ni Tagle na malaki ang kaibahan ng isang panatiko sa isang tunay na deboto.

Ayon kay Tagle, ang tunay na deboto ay yaong nagpapakita ng tunay na pagmamahal, loyal at nakikipagkaisa sa Panginoon kaya’t makuha man o hindi ang ninanais ay nagiging tapat at naglilingkod sa Panginoon.

Samantala, ang mga panatiko naman ay yaong kaagad na tumitigil ng debosyon sa sandaling hindi makuha ang kanyang bagay na hinihingi sa Panginoon.

“Nagmamahal ka ba? Naranasan mo na bang magmahal? Naranasan mo na ba na maging tapat dahil lamang sa pagmamahal? Naranasan mo na ba na araw- araw kahit ka masu­gatan maglilingkod ka? ‘Yan ang deboto,” bahagi ng homiliya ng Cardinal.

“Ang tunay na deboto nagmamahal… Ang panatiko kapag hindi na nakuha ang kanyang gusto titigil na ‘yan. Pero ang deboto, dahil nagmamahal, mananatiling tapat may nakukuha man siya o wala. Basta mahal kita, paglilingkuran kita at magiging tapat ako sayo ibigay mo man ang hini­hingi ko,” paliwanag pa niya.

Idinagdag pa ni Tagle na mismong si Kristo ang tunay na nagpapakita ng katangian ng tunay na deboto, dahil sa kanyang ipinakikitang debosyon sa atin.

“Ang unang naging deboto sa atin, devoted to us, ay si Hesus mismo… ‘Yung ibang tao ‘pag nasa langit ‘yan hindi mo na ‘yan mapapababa! Pero si Hesus nasa langit, bababa para samahan tayo,” paliwanag pa niya.  “Pati langit iiwanan niya mapasama lamang sa mga kapatid na makasalanan, hindi para yurakan sila, hindi para sila’y parusahan, kundi para iligtas, that’s devotion.”

Paglilinaw naman niya, ang pagiging deboto ay hindi rin naman nangangahulugan nang pagkakaroon ng perpektong koneksiyon sa Panginoon dahil ito’y araw-araw na pinagya­yaman lamang.

Ipinagtanggol din naman ni Tagle ang mga deboto sa akusasyon ng pagiging panatiko lamang.

Aniya, taun-taon namang kinukuwestiyon kung tunay ba ang debosyon ng mga taong sumasama sa Traslacion, at kung tama ba at mahalaga ang pagiging isang deboto.

Gayunman, sinabi ni Tagle na tanging ang mga deboto lamang ang makakaunawa nito at ang mga kukuwestiyon lamang ay yaong taong hindi naman deboto. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.