ISABELA-DAHIL sa patuloy na pagpuputol ng mga punong kahoy ng mga illegal logger,patuloy din ang isinasagawang monitoring ng pulisya na talamak pa rin sa ilang bayan at lungsod sa lalawigan ang Water at Carabao Logging upang maipuslit ang mga iligal na kahoy mula sa kabundukan pababa sa kabayanan.
Nabatid mula sa mga reklamong natanggap sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa Northern Isabela partikular na umano sa Ilagan City police station, umabot na sa libo libong mga board feet ng mga nilagaring kahoy ang kanilang nasabat mula sa mga Anti-Illegal Logging Operation.
Kamakailan lang nasakote ng mga kasapi ng Tumauini Police Station at Criminal Investigation and Detection Group Isabela ang dalawang illegal loggers sa bayan ng Tumauini matapos na masabat mula sa kanilang sasakyan ang daan daang mga board ft. ng iba’t ibang klase ng mga kahoy.
Sa pahayag ni P/Maj Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police station na nagpapatuloy ang ginagawang paghihigpit sa pagbabantay kasama ang ibang ahensiya ng pamahalaan sa forested areas sa bayan ng Tumauini na maaring pagmulan ng mga iligal na mga pinutol na kahoy.
Sa kasalukuyan ay patuloy din ang kanilang isinasagawang pagbabantay sa ilang bayan ng Tumauini upang mapigilan at masugpo ang paglaganap ng iligal na aktibidad ng mga namumutol ng mga punong kahoy. IRENE GONZALES
Comments are closed.