INATASAN na rin ni Interior Secretary Eduardo Año ang local chief executives na bumuo ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT) upang malabanan ang 2019 Novel Coronavirus (2019-nCoV).
Ayon sa kalihim, pangunahing gagawin ng BHERTs ay magbabahay-bahay sa mga bagong dating mula sa bansang apektado ng nCoV at ilista ang mga pangalan nito gayundin ang mga nakasama nila.
Dapat din aniyang i-monitor ng BHERTs ang lagay ng mga newly-arrived traveler gaya ng kanilang daily body temperatures sa umaga at gabi sa loob ng 14-day home quarantine.
Paliwanag ng kalihim, layunin lamang nito na matiyak na ligtas mula sa nasabing virus ang mga bagong dating at hindi para i-discriminate habang hakbang din ito para paghandaan ang nakamamatay na virus.
“We have to prepare, God forbid, for the possible eventuality that 2019-nCoV reaches our communities,” ayon pa kay Año.
Ang BHERT ay itinalaga ng barangay chairman at kinabibilangan ng executive officer, tanod, at dalawang barangay health workers.
Upang matiyak na hindi mahahawa sa sakit ang BHERT members, kompleto ang mga ito ng protective gear gaya ng surgical gowns, goggles, masks, at gloves.
Sa panig naman ng Philippine National Police (PNP), una nang sinabi ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa na handa rin sila para sa transfer ng mga hinihinalang tinamaan ng virus patungong quarantine areas kasabay ng pagtiyak na may sapat silang kagamitan gaya ng N95 mask.
Habang sinabi ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, The PNP Deputy Chief for Administration na nakipag-ugnayan siya sa Headquarters Support Service para hikayatin ang mga pumapasok o bumibisita sa kampo na magsuot ng face mask upang pigilan ang paglawak ng nCoV.
Inaasahan din ang paglalagay ng rubbing alcohol sa mga pedestrian entrance.
Bukod sa nasabing hakbang, tiniyak ni Cascolan nagpapatuloy ang health and fitness activities ng PNP personnel na naglalayong mapanatili ang magandang kalusugan at pagpapalakas ng immune system para makaiwas sa naturang vius.
Kasabay nito, plano rin nilang ibaba sa barangay level ang health and fitness program para kasabay ng maayos na kalusugan na panlaban sa nCov at iba pang sakit ay maganda rin aniya ang ugnayan ng pulisya sa barangay gayunin sa mga sibilyan. EUNICE C.
Comments are closed.