MAAARING matanggap ng mga operator at driver ng public utility vehicles (PUVs) ang second tranche ng fuel subsidy ng pamahalaan sa kaagahan ng susunod na buwan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, inihahanda na ang documentary requirements para sa pagpapalabas ng pondo.
“We’re targeting early July. However, it would also depend on how fast the DBM (Department of Budget and Management) can download the funds to us,” sabi ni Cassion.
Aniya, maaaring mas mabilis na matanggap ng mga benepisyaryo ang second tranche ng fuel subsidy dahil ang kanilang cards ay inaasahang naprodyus na ng Landbank of the Philippines (LBP).
“Crediting to the account of the beneficiaries will be through the top-up method,” sabi ni Cassion.
Hanggang noong Martes ay naipamahagi na ng LTFRB ang first tranche ng fuel subsidy na nagkakahalaga ng P6,500 bawat isa para sa kabuuang 264,578 benepisyaryo.
Matatanggap ng nalalabing 31,992 benepisyaryo ang kanilang cash disbursement mula sa LBP sa Biyernes.
Para sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI), may kabuuang 16,992 ang nakatanggap na ng subsidiya, 5,525 ang inaasahang makatatanggap sa Biyernes, habang 5,260 ang ni-reject ng LBP system at ibinalik sa DTI sanhi ng invalid GCash o Paymaya account.
Samantala, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may kabuuang 617,806 drivers at operators ng tricycles ang tatanggap ng subsidiya.
May nakalaang P625 million, ang bawat tricycle beneficiary na may DTI certification ay tatanggap ng P1,000.
– PNA