(Target ng BOC sa Disyembre)P100-B SURPLUS COLLECTIONS

INAASAHAN ng Bureau of Customs (BOC) ang P100-billion surplus sa pagtatapos ng taon dahil nalagpasan na nila ang kanilang full-year collection target para sa 2022.

Ayon sa BOC, nakakolekta na ang ahensiya ng P745.50 billion hanggang November 11, nahigitan na ang collection target nito na P721.52 billion para sa taon ng P23.98 billion o 3.27%.

“Ang kinokolekta na po natin ngayon simula noong nakaraang Lunes hanggang sa kasalukuyan ay surplus collection performance na ng Bureau,” wika ni BOC spokesperson Arnaldo dela Torre Jr. sa panayam ng Super Radyo dzBB.

“Ito ay magandang mensahe na pinapadala natin sa ating mga kababayan na hindi ho kami titigil. Kahit nakuha na ang target para sa buwan ng Nobyembre at Disyembre ay kukunin pa rin natin ang assigned revenue collection target,” sabi pa ni Dela Torre.

Aniya, umaasa ang BOC na makakakolekta ng kabuuang P800 billion hanggang P900 billion revenue sa pagtatapos ng taon.

Binigyang kredito niya ang consistent performance ng kanilang collection districts magmula pa noong Enero ng kasalukuyang taon.