Target ng DOT: 12M TOURIST ARRIVALS

HANGAD ng Pilipinas na maabot ang 12 million tourist arrivals sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco.

Sinabi ni Frasco na magiging posible ito sa paglulunsad ng mga inisyatibo tulad ng bagong tagline na “Love the Philippines” na umaayon sa nagbabagong tourism landscape sa new normal.

Aniya, sa ilalim ng national tourism development plan, sa pagtaya ng kanilang mga statistician ay makakamit ng ahensiya ang target na 12 million sa 2028.

“We’re working very hard to make sure that these are moving targets and so we would be able to build up our tourism portfolio in terms of international arrivals but also continue to support domestic tourism,” dagdag ni Frasco.

Anang kalihim, kumpiyansa ang bansa na makakamit nito ang target na 4.8 million tourist arrivals ngayong taon dahil nalampasan na nito ang kabuuan noong nakaraang taon.