TARGET NG PBA: MAGING NO.1 SPORTS ENTERTAINMENT SA ASIA

OSAKA – Patuloy na magsisikap ang PBA upang maibigay ang best sports entertainment sa bansa.

Bilang most followed sports show sa bansa, nais ng Asia’s first play-for-pay cage league na mapanatili ang status na ito, at ngayon ay target na mapaghusay pa ang brand, hindi lamang ang gawing higit na kapana-panabik ang mga laro, kundi maging isang karanasan na hindi malilimutan ng mga fans na nanonood sa venue.

Bagama’t ang PBA games ay nananatiling ‘most dominant’ sa TV ratings, nais ng mga opisyal ng PBA na ibalik ang crowd sa playing venue.

Umaasa sila na maibida ang PBA sa global fans, at ang misyon ay ang gawin ang PBA na No. 1 basketball entertainment league sa Asia.

Sa katatapos lamang nilang  annual planning session, ang mga miyembro ng PBA board of governors ay bumuo ng mga ideya sa kung paano makakamit ang layunin.

“The challenge is how to execute it,” wika ni chairman Ricky Vargas.

Ang mga ideya ay kinabibilangan ng pagpapahusay sa ‘kalidad at competitiveness ng laro’, pag-re-establish sa liga bilang pinagkukunan ng best talent para sa Gilas at net exporter ng players sa Asia, pagpokus sa fan engagement, pag-invest sa ancillary business, kabilang ang konstruksiyon ng sariling  arena at pagpapalawak sa CSR (corporate social responsibility) programs.

Sa layuning gawing mas kapana-panabik ang mga laro, ipakikilala ng liga ang bagong panuntunan sa paparating na season. Ang pinaka-interesting ay ang “four-point shot” mula sa 27-foot arc.

“Nagawa na natin ito sa All-Star Game. With this rule, mababawasan ang zone defense, lalabas ang depensa at mas tutulin ang laro,” sabi ni newly elected vice chairman Alfrancis Chua.

Patuloy na susuportahan ng PBA ang national team program, at naniniwalang ang malakas na  Gilas team ay magiging kapaki-pakinabang sa PBA, at ang malakas na PBA ay magbibigay-benepisyo sa Gilas.

Sa fan engagement, ang PBA ay magkakaroon ng mga programa kung saan makikihalubilo ang mga player sa fans.

“Like those in the upper box, ang mahal ng binayad nila sa pagpasok sa venue, then all they got eh kaway kaway lang sa players. Kakausapin ko ang mga coaches, i-allow nila ang mga players lumapit sa fans,” ani Chua.

Sa ancillary business, ang pinakamalaking plano ay ang sa wakas ay magkaroon ito ng sariling arena sa hinaharap.

“We’re looking at properties in Metro Manila, about two to three hectares ang laki. Malapit na itong matuloy,” wika ni PBA commissioner Willie Marcial.

“At kung matuloy at maitayo ito, hindi na maguguluhan ang mga fans kung saan ba ang venue ng PBA games.”

“We’re not just re-modeling a house but we’re building a house,” ayon kay Vargas.