(Target ng PH sa 2024) 1M AMERICAN TOURIST ARRIVALS

HANGAD ng Pilipinas na mapataas ang bilang ng American visitors sa bansa ngayong taon sa isang milyon sa gitna ng pinaigting na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa ulat ng GMA News Online, sinabi ni Tourism Attaché Francisco Lardizabal sa kanyang pakikipag-usap sa mga Filipino journalist na lumahok sa Friends, Allies, Partners Program sa Philippine Consulate sa New York na bagama’t ang American tourists ay pumapangalawa lamang sa  South Koreans pagdating sa bilang ng mga bisita, “ang US contribution ay mas malaki pagdating sa receipts.”

Sa datos ng Department of Tourism (DOT) ay lumabas na ang South Koreans ay bumubuo sa  26.62% o 1.45 million visitors sa Pilipinas mula sa kabuuang 5.45 million foreign tourists noong 2023.

Pumangalawa ang United States na may 16.57% o 903,299 visitors.

Gayunman, pagdating sa visitor receipts, ang tourism revenues mula sa Americans ay pinakamataas sa  P35.46 billion, kasunod ang Australians sa P17.74 billion at South Koreans sa P16.41 billion.

“This is the importance of the American market. While the arrivals are fewer, the contribution to the tourism receipts is bigger,” paliwanag ni Lardizabal.

“Because Americans spend higher and stay longer,” dagdag pa niya.

Para ngayong taon, sinabi ng tourism attaché na inaasahan ng DOT ang isang milyong turista mula sa US.

Aniya, karamihan sa American travelers – 55.71% – ay mga dating Pinoy, habang ang nalalabing 44% ay mainstream Americans.