TARGET NG PINOY CAGERS SA ASIAN GAMES: MAS MATAAS SA 7TH PLACE

POC President Ricky Vargas

HINDI kalakihan ang inaasahan ng Philippine Olympic Committee (POC) para sa national basketball team na sasabak sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia ngayong buwan.

Ang koponan ay may halos dalawang buwan na lamang para maghanda matapos ang kanilang late entry sa torneo, at ang tanging hangad ng POC ay ang  mahigitan ng Nationals ang 7th place finish sa 2014 Asiad na ginanap sa Incheon, South Korea.

“The POC’s expectation is to perform better than how they performed in the last Asian Games in Korea,” wika ni POC president Ricky Vargas.

“In the last Asian Games, the national team placed seventh.”

Umaasa naman ang national team na malalagpasan nila ang expectations na ito matapos makita na kayang makipagsabayan ng kanilang line-up.

Partikular na naniniwala si big man Asi Taulava na mas mataas sa 7th place ang dapat nilang targetin.

“Everybody is saying seventh place, but we are not even thinking about that,” sabi ni Taulava. “We’re thinking about a medal.”

Aniya, ang kanilang ultimate goal ay gold medal.

“If we fall short, at least we continue to go for our goal, but we are not settling for seventh place.”

Ang Filipinas ay huling tumuntong sa podium ng Asian Games basketball noong 1998 sa Bangkok nang talunin nila ang Kazakhstan upang maiuwi ang bronze medal. Noong 2002 ay yumuko sila sa Kazakhstan sa third-place game.

Kakailanganin lamang ng Filipinas ng isang panalo upang umusad sa quarterfinal round makaraang malipat sila sa Group D, kasama ang China at Kazakhstan. Sisimulan nila ang kanilang kampanya sa Agosto 16 laban sa Kazakhstan, na pumang-apat sa 2014 edition ng Games.

Comments are closed.