CAMP CRAME – BAGAMAN sa Huwebes o Enero 9 pa ang Pista ng Itim na Nazareno, naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) partikular ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para matiyak ang zero crime sa taunang tradisyunal na pahalik at Traslacion sa Quiapo, Maynila.
Magiging katuwang naman ng PNP ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para matiyak na ligtas ang milyong debotong inaasahang daragsa sa Traslacion o prusisyon gayundin sa Pahalik sa Quirino Grandstand at mismong pagpasok ng imahe sa Quaipo Church.
Kabilang naman sa babantayan ng pulisya at militar ang mananamantalang terorista at iba pang masasamang loob.
Sa mga nakalipas na selebrasyon sa Pista ng Itim na Nazareno, karaniwang insidente ang pagkakasakit gaya ng pagkahilo at pagkahimatay dahil sa siksikan at tulakan na minsan ay nauuwi pa sa kamatayan.
Mayroon ding pandurukot na nagaganap, kaya bumalangkas ang pulisya ng pamamaraan para maiwasan ito.
Una nang sinabi ni NCRPO Director, Brig. Gen. Debold Sinas na hindi na pahihintulutan na makalapit ang mga deboto sa imahe at tanging mga pulis na lamang ang maaaring magbalik at mag-abot ng mga puting panyo o tuwalya sa mga deboto.
Bukod sa mga pulis, mga sundalo rin ang nakapaligid sa karwahe upang mapabilis ang prusisyon.
Layunin aniya nito na hindi maiwasan ang pagtutulakan ng mga nagnanais makapagpunas ng panyo at tuwalya sa imahen.
“Para mapigilan ang mga tao na mag-rush sa harap dahil dun bumabagal, dun nakakaistorbo,” ayon pa kay Sinas.
Samantala, nagsimula na rin ang Bureau of Fire Protection (BFP) na suriin ang paligid ng Quirino Grandstand kung saan ginaganap ang tradisyunal na pahalik kasunod ng paglalagay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga orange barriers doon.
Sa timeline naman ng Simbahang Katolika, sa bisperas o sa Miyerkoles, Enero 8, ay aarangkada ang tradisyunal na pahalik sa Poong Itim na Nazareno. EUNICE C.
Comments are closed.