IPINANUKALA ng isang dating agriculture chief sa pamahalaan ang pagtataas ng taripa sa bigas upang matulungan ang local farmers na makipagkumpetensiya sa overseas purchases ng staple grain.
Ayon kay Leonardo Montemayor, presidente ngayon ng Federation of Free Farmers, ang 35-percent tax sa ilalim ng Rice Tariffication Law ay dapat itaas sa 70 hanggang 86 porsiyento.
Bagama’t nakatulong ang pag-aalis sa import quotas at ang pagpapataw ng taripa sa pag-aangkat ng bigas upang maibalik ang inflation sa target ng pamahalaan, idinaing ng mga grupo ng mga magsasaka na ang mababang presyo ay nagtulak sa kanila na magbenta ang palugi.
Ani Montemayor, ang rice farmers ay nalugi ng P60 billion hanggang P140 billion dahil sa mababang market prices magmula nang ipatupad ang tariff-based law.
Aniya, ang kasalukuyang tariff rate ay ‘extremely unprotective” sa industriya.
“Hindi defect sa batas, but failure to implement the law,” wika ni Montemayor.
Aniya, kung may malaking pinsala sa rice producers dahil sa pagbaha ng import, kapag napatunayan na may malaking pagbagsak sa presyo ng palay dahil sa over importation, ang gobyerno ay maaaring magpataw ng dagdag na taripa o import taxes na tinatawag na safeguard duties bukod pa sa 35 percent.
Dagdag pa ni Montemayor, bago ipatupad ang Tariffication Law, ang pangulo at ang National Food Authority (NFA) ay maaaring magtaas ng taripa sa rice imports sa ilalim ng ilang kondisyon. Ngunit inalis ng batas sa kapangyarihan ng NFA ang pangasiwaan ang pag-angkat ng bigas.
Noong Huwebes ay sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na tuloy pa rin ang rice imports kaakibat ang mas mahigpit na implementasyon ng batas. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.